Kayang paikutan ng mga politikong bibili ng boto ang ipatutupad na P500K money ban ng Commission on Elections (Comelec), ayon kay InfraWatch convenor Terry Ridon.
Upang hindi mahuli, maaari aniyang magdala ng mas mababa sa P500K ang mga kandidatong sangkot sa vote buying upang hindi mahuli ng pulis.
“Unscrupulous candidates and their supporters can easily subvert the money ban by simply possessing cash less than P500,000, yet still undertake vote buying operations,” ani Ridon.
Magkakaroon aniya ng malaking epekto sa lehitimong cash transactions ang blanket money ban na nais ipatupad ng poll body.
“A blanket money ban even with the Comelec’s proposed exemptions will significantly impact legitimate cash transactions across a whole range of economic sectors, most particularly those which deal with fast-moving currency like agricultural products and public markets,” dagdag niya.
Giit ni Ridon, kahit kahanga-hanga ang inisyatiba ng Comelec, dapat tiyakin na hindi ito makakasagabal sa lehitimong economic activities ng publiko.
“While the Comelec’s initiative is laudable, it should ensure that it does not impinge on the legitimate economic activities of the public,” sabi ni Ridon.
Inihayag kamakalawa ni Comelec Chairperson George Garcia na sinomang mahuhuling may bitbit na P500,000 pataas o may transaksyon sa electronic wallets sa 20 katao ay itinuturing na sangkot sa vote buying.
Ayon kay Garcia, magpapatupad ang poll body ng “money ban” limang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa 30 Oktubre.
Bahagi aniya ang money ban sa pagsusumikap ng Comelec na maiwasan ang vote buying at iba pang paglabag na may kinalaman sa BSKE.
Makikipagtulungan aniya ang Comelec sa Philippine National Police (PNP) para sa implementasyon ng money ban.
Sinabi ni Garcia na magsasagawa ang poll body ng checkpoints at iinspeksyunin ang mga sasakyan upang matiyak na walang magdadala ng malaking halaga ng cash.
Ngunit pangamba ng ilang observers, maaaring magamit ang money ban sa “hulidap operation” ng ilang tiwaling pulis.
Giit ng poll body, ang messengers, cashiers, at iba pang mga kawani na ang trabaho ay may kinalaman sa paghahatid ng salapi para sa kanilang mga kompanya ay exempted sa money ban.
Kailangan lamang umano nilang ipakita ang company ID bilang ebidensya ng kanilang employment.