Hindi uubra sa direktor na si Joel Lamangan ang mga artistang hindi maganda ang attitude.
Ayon kay Lamangan sa isang press conference para sa paparating niyang pelikula na “Apo Hapon,” mataray siya sa mga artistang hindi kaaya-aya ang attitude sa set.
“Example yung mga artistang na-le-late. At yung artistang mababa ang tingin sa mga manggagawa. Yung hindi tumitingin ng patas,” aniya.
Ngunit sa kabila ng tinatagong katarayan, sinabi ng direktor na buo sa puso niya ang tumulong para mas maging magaling ang kanyang mga hinahawakang mga artista.
Dagdag niya, madalas din siyang mag-adjust lalo na sa mga baguhan.
“Minsan ako na nga ang nag-a-adjust. Hindi naman ako nagta-trato ng hindi patas. Kung bago pa lamang at walang masyadong alam, tinuturuan ko naman sila kung ano ang dapat.”
Si Lamangan ay kilala sa kanyang mga award-winning na pelikula tulad ng Hubog, Aishte Imasu 1941: Mahal Kita, Blue Moon, at Mano Po.
Ang paparating niya namang pelikula na “Apo Hapon” sa ilalim ng GK Productions, ay magsisilbing “reunion” ng mga stellar Filipino at Japanese talents.
Kasama sa mga bibida dito ay ang Kapamilya aktor na si JC De Vera at bagong Japanese artist na si Sakura Akiyoshi. Gaganap din sa pelikula ang former PBB housemate na si Fumiya Sankai, anak ng beauty queen na si Nella Dizon, at Kapuso aktres na si Lianne Valentin.
Iikot ang kwento ng pelikula sa buhay ng isang Hapones na nanatili sa Pilipinas pagkatapos ng digmaan at naging bayani sa mga taong nakasalamuha niya.