Sa tema ng laro na ipinakikita ng Gilas Pilipinas, tila unti-unti na nating nakikita kung sino ang mga players na bubuo sa koponan sa papalapit na FIBA World Cup.
Kung ang mga tune up games laban sa teams na Ivory Coast, Montenegro at Mexico ang gagawing basehan, masasabi nating walo sa kanila ang maaring nakakuha na ng pwesto para sa Final 12.
Siguradong okupado na ni naturalized player Jordan Clarkson ang unang pwesto habang tila minarkahan na rin nina Dwight Ramos, big men June Mar Fajardo, AJ Edu, Japeth Aguilar at Kai Sotto, Jamie Malonzo at Scottie Thompson ang roster spots.
Pero apat pa ang paglalabanan ng walong natitirang nagtatangka na mapabilang sa Gilas team sa FIBA World Cup at ito ay ang magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena, Calvin Oftana at Roger Pogoy, Chris Newsome, Ray Parks, Rhenz Abando at CJ Perez.
Kung ako ang tatanungin, ang apat na aking pipiliin ay base sa kung anong kailangan ng koponan ngayong mayroon nang walong karapat-dapat na ookupa sa 12.
Kailangan ng Gilas ang players na matatangkad sa wing position para magawang makasabay sa malalaking wing men na kanilang makakaharap hindi lang sa group stage matches kung hindi sa buong torneo.
Hangad ng Pilipinas na maging pangunahing Asian team kung saan magkakaroon sila ng siguradong pwesto sa Olympics sa susunod sa taon.
Kaya naman, pipiliin ko ang mga matatangkad na wingmen gaya nina Oftana at Abando, na hindi lang pawang mga athletic players, kung hindi kaya ring maka-match up sa mga wing men na may height na 6-foot-5 pataas.
Ang dalawang guwardyang aking pipiliin ay ang mga players na malaki ang puso sa laban at ito ay sina Kiefer Ravena at CJ Perez.
Malaki ang responsibilidad na ibinigay kay Ravena, na tila ginagampanan ang papel bilang team captain ng koponan bago pa man dumating si Clarkson, ang star player ng Utah Jazz sa National Basketball Association.
Bukod dito, hitik na rin sa international experience si Ravena, kabilang na rito ang paglalaro sa 2019 FIBA World Cup kung saan nakasama niya rin dito si Perez.
Isa si Perez sa mga batang nakasama noong nakaraang kampanya sa World Cup, pero sa palagay niya ay mas matured na siya sa mas malaking laban.
Maganda rin ang ipinakitang laro ni Perez sa mga tune up games ng Gilas mula pa sa Estonia, Lithuania hanggang sa China.
Hindi magiging madali para kina head coach Chot Reyes at iba pang miyembro ng coaching staff ang pagpili sa nalalabing apat dahil may tsansa rin naman ang iba pang kandidato gaya nina Thirdy, Newsome, Pogoy at Parks.
Tinapos ng Gilas Pilipinas ang huling tatlong tune up games kung saan nanalo lamang sila ng isa laban sa Ivory Coast at kinapos laban sa mga mas malalakas na teams gaya ng Montenegro at Mexico.
Pero isa lang itong paraan para sukatin hindi lang ang kanilang kakayanan na makipaglaban sa FIBA World Cup, gayundin para mas mapag-aralan ng husto ang mga players na bubuo sa koponan.
Dalawang araw na lang. Handa na ang Gilas Pilipinas at handa na rin ang bansang na baliw na baliw sa basketball.