Ilang araw na lang ay simula na naman ang mga problemang idinudulot ng school opening, lalo na sa Metro Manila dahil dadagdag na naman sa populasyon ng mga commuters ang mga estudyante.
Kalbaryo naman sa mga magulang ang pagtaas ng presyo ng mga school supplies dahil pinayagan na ang pagtaas ng mga ito ng Department of Trade and Industry.
Ayon sa DTI, wala na silang magagawa kundi pagbigyan ang mga manufacturers ng magtaas ng presyo dahil sa patuloy na pagtaas ng raw materials sa paggawa ng mga notebook, pad paper, crayons, at iba pa.
Bukod pa rito, masakit pa rin sa bulsa para sa magulang kung saan nila kukunin ang pangaraw-araw na baon ng kanilang mga anak, kasabay ng mataas na presyo ng mga bilihin, partikular na ang pagkain.
Hindi na alam ng simpleng pamilyang Pilipino kung paano pagkakasyahin ang karampot na kita sa rami ng gastusin na dinagdagan pa ng kabi-kabilang taas-presyo.
Ang tanong ay hanggang kailan matatamo ang ginhawa… at ang pangakong magandang buhay ng Bagong Pilipinas?
Ito na ba yun? Share ko lang naman… peace!
Applicable o nasanay?
Muli na namang naungkat ang usapin ng work-from-home ng ilan nating manggagawa, kung saan ilang grupo, lalo na ang mga nasa BPO industry, ang humihiling na ibalik ang WFH dahil sa pagtaas ng pamasahe at walang tigil na pagtaas na presyo ng petrolyo, bukod pa sa mataas na bilihin.
Kaagad itong kinontra ni Lead for Jobs Committee of Private Sector Advisory Council consultant Joey Concepcion, sa pagsasabing applicable lamang ang WFH sa panahon ng pandemya.
Sinabi ni Concepcion na walang mangyayaring mobility at hindi kikita ang nasa transport sector, mga karinderya, at iba pang negosyo na itnuturing na MSME sakaling muling pagbigyan ang WFH.
Tama naman na bigyang pagkakataong kumita ang mga ito at sa kanilang pagkita ay kaakibat nito ang pag-ikot ng ekonomiya.
Pero marami-rami na rin kasing mga manggagawa, lalo na yaong mga minimum wage earners, ang umaaray sa gastos.
Tanging magandang programa na lamang talaga ng gobyerno ang dapat asahan ni Juan Dela Cruz para maibsan man lang ang krisis na dinaranas ngayon.
Nawa ay masolusyunan ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon.
Pero hindi naman lahat ng manggagawa ay nagrereklamo sa pagbabalik sa onsite work, dahil ang iba, tinatamad na lang o nasanay sa dalawang taon na nasa bahay naghahanapbuhay.
Aminin!