Umalma ang grupo ng health workers sa panukala ng administrasyong Marcos Jr. na tapyasan ng sampung bilyong piso ang budget ng Department of Health (DOH) sa panukalang P5.768 trilyon national budget sa 2024.
Ayon sa Health Alliance for Democracy (HEAD),sa halip na tugunan ang mataas na bayarin ng mga pasyente, hindi naa-access at hindi sapat na mga serbisyong pangkalusugan at malubhang kakulangan sa health workers ang pagbabawas ng badyet sa kalusugan ni Marcos Jr ay magdadala ng karagdagang sakit at pagdurusa sa mahihirap na mayoryang Pilipino.
Taliwas anila ito sa 2024 budget message ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na ang kalusugan ang kanyang pangunahing prayoridad.
Sa halip, ang panukalang 2024 budget ay nagbibigay ng diin sa bilyun-bilyong pisong pera ng bayan para sa hindi kailangan, kuwestiyonable at “pork-laden budget items” gaya ng confidential atintelligence funds, tiwali o red-tagging agencies, “big corruption-prone infrastructure projects,” at debt servicing o pambayad sa utang.
Kabilang anila sa balak bawasan ng pondo ay ang apat na national specialty hospitals na may malaking tapyas sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) subsidies:
- Lung Center of the Philippines na may32.81% bawas mula sa P835M (2023) ay naging P561M (2024);
- National Kidney and Transplant Institute may 26.26% tapyas,mula sa P1.686B (2023) ay naging P1.243B (2024);
- Philippine Children’s Medical Center binawasan ng 34.54%, mula sa P2.086B (2023) ay naging P1.366B (2024); at ang
- Philippine Heart Center, bawas ng 14.79% mula sa P2.137B (2023) naging P1.821B (2024).
Habang ang corrupt, red-tagging agencies gaya anila ng PhilHealth ay itataas ang budget mula sa P100.233B (2023) ay ginawang P101.515B (2024); at ang notoryus na red-tagger National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay makakakuha ng 36% dagdag budget upang suportahan ang Barangay Development Program sa ilalim ng Local Government Support Fund, mula sa P6.336B (2023) ay gagawing P8.640B (2024).
“HEAD together with the Filipino people will oppose the 2024 health budget cuts and budget misappropriation, as we push for 10% of GDP budget allotment for health towards free comprehensive national health care system,” pagwawakas ng grupo.