Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na malapit nang magbukas ang call center na tutugon sa mga alalahanin ng mga overseas Filipino worker na binansagag “mega monitoring call center.”
Sinabi ni DMW Undersecretary Hans Cacdac na humigit-kumulang 50 hanggang 100 tao ay sapat na upang subaybayan ang mga tawag pero kinakailangan din ito ng budgetary support para sa pagha-hire ng additional personnel.
Dagdag pa niya, ang call center ay inaasahang magbubukas sa loob ng kasalukuyang taon partikular na bago ang buwan ng Disyembre at ang nasabing call center ay gagawin mula sa DMW site.
Sa kabilang banda, ang Overseas Workers Welfare Administration, na naging attached agency sa DMW, ay mayroon nang hotline para sa mga katanungan o alalahanin na may kinalaman sa mga OFW.
Ngunit sa sandaling magbukas ang call center, maaaring magkaroon ng bagong hiwalay na hotline para sa lahat ng mga alalahanin at katanungan ng mga OFW sa ating bansa.
Samantala, inihayag ng Department of Foreign Affairs na hindi inaasahang maaayos ang hindi pa nababayarang sahod ng mahigit 10,000 displaced overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia ngayong taon.
Ito ang sinabi ni DFA Undersecretary for migrant workers affairs Eduardo Jose de Vega sa joint congressional oversight committee hearing on migrant workers.
Gayunpaman, hindi umano “imposible” na gawin ang lahat at makakuha ng solusyon para sa mga OFWs at ito umano ang impormasyon na kanilang natanggap noong Abril o Mayo, nang ang isang vice minister ng Saudi ay nangako sa DFA na mamadaliinnila ang pag-aayos ng mga kumpanya ng konstruksiyon na may utang sa likod na sahod pagkatapos ideklara ang pagkabankrupt noong 2015 at 2016.
Sinabi ni De Vega na ang mga employer ang magse-settle ng back wages at hindi ang Saudi government.