Pinulbos ng Gilas Pilipinas ang Ivory Coast, 85-62, sa kanilang tune up game noong Biyernes, pero mas mabigat ang hamon na haharapin ng mga bataan ni head coach Chot Reyes ngayong Linggo kung saan babangga sila sa mas malalaki, mas mabibigat at mas malalakas na players ng Montenegro bilang parte ng kanilang paghahanda sa paparating na FIBA World Cup.
Sa pangunguna ng kanilang premyadong player na isa rin na maituturing na isa sa mga star players sa National Basketball Association na si Nikola Vucevic, isang 6-foot-10 na sentro na kasalukuyang naglalaro sa Chicago Bulls, magsisibing magandang pagsubok itong laro na ito ng Gilas laban sa Montenegro, isang matibay na team na naglalaro sa Europa.
Si Vucevic ay two-time NBA All-Star na naging 16th overall draft pick ng Philaldephia 76ers noong 2011.
Sa buong paglalaro niya sa NBA, hindi nagbabago ang tikas ni Vucevic kung saan nag-average siya ng 17 points and 10.5 rebounds simula nang pumasok sa NBA 14 na taon na ang nakakaraan.
Pero hindi lang si Vucevic ang dapat abangan ng Gilas dahil nariyan rin sina Boblan Dubljevic, Nemanja Radovic at Marko Simonovic.
Si Dubljevic ay isang 6-foot-9 player na kinuha ng Minnesota Timberwolves sa 2013 NBA Draft, pero mas pinili nitong ipagpatuloy ang paglalaro sa Europa kung saan nagkaroon siya ng mas magandang takbo sa kanyang career.
Sa siyam na taon niyang paglalaro sa Valencia, nag-average siya ng 11.9 points at 5.6 rebounds kada laro.
Si Radovic naman ay isang 6-foot-10 center/forward kung saan naglaro siya sa Serbia at Spain.
Ang kanyang huling koponan na nilaruan ay ang UCAM Murcia kung saan nagtala siya ng 10.4 points at 5.8 rebounds kada laro sa Spanish League.
Si Simonovic ay isang a seven-foot player na naglaro rin pansamantala sa Chicago Bulls.
Isa sa pinakabatang manlalaro na sasabak itong si Simonovic at ang 23-anyos na sentro ay may nais patunayan.
Naglaro rin sa Bulls sa NBA Summer League noong isang taon si Simonovic, pero imbes na tumuloy sa NBA, nagdesisyon siyang maglaro na lang sa Crvena Zvezda, isa sa malalakas na teams sa Serbia.
Alam ni coach Chot Reyes at ng kanyang coaching staff na mabigat ang kanilang haharapin sa pakikipagsagupa sa isang powerhouse European team gaya ng Montenegro.
Sa kanilang laban sa Ivory Coast, nais ni Reyes na maitama ang mga nagawang pagkakamali ng koponan dahil hindi ito makakatulong sa laban nila sa Montenegro.
“We had 18 turnovers and that’s something we have to address. But I thought we shared the ball very well. We came up with great intention of moving the ball and finding each other and that for me is important,” ang sabi ni Reyes.
Ang laban sa Montenegro ang ikalawa sa tatlong tune up games na nakalinya para sa Gilas bago sila sumabak sa FIBA World Cup. Ito rin ang magsisilbing basehan sa pagpili nila sa 12 players na magri-representa sa bansa sa pinakamalaking torneo ng basketball sa buong mundo.
Pagkatapos ng laban ng Gilas sa Montenegro, makikipagtungali naman sila sa Mexico sa Lunes.