Hanggang ngayon ay nililinaw pa rin ng sexy actress na si AJ Raval na hindi siya ang naging dahilan o third party sa paghihiwalay nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla at sa kanyang FB post, sinabi ng dalaga na napapagod na siya sa isyu.
“Magsasalita ako ngayon kasi sobra na— sobra na ‘yung sinasabi ng mga tao. May nabasa ako doon, hindi ko na sasabihin ‘yung exact words pero dinadamay niya ‘yung pamilya ko,” saad ni AJ.
Pag-amin ni AJ, una raw niyang nakasama si Aljur sa pelikulang “Nerissa” at friends lang daw talaga sila noon pero matapos ang ilang buwang pagkakaibigan ay tuluyan na ngang nanligaw ang aktor sa kanya.
At dahil nga bago siya sa industriya, noong mga panahong tinanong siya ukol kay Aljur ay sinabi niyang nanliligaw nga ito sa kanya.
“Lumipas ang panahon, kinilala namin ang isa’t isa. Tinanong ko siya… Paano ‘yung wife, ‘yung family. Sabi niya sa ‘kin ok lang ‘yun [kasi] hiwalay na sila. May partner na rin si Kylie that time kay nag-go ako,” sabi ng dalaga.
“Ang sinasabi ko lang dito, di baleng tawagin n’yo na akong kabit and all… pero I swear to God, ikamatay man ng pamilya ko ngayon… nag-start ‘yung relationship namin na wala kaming nasasaktan. Wala kaming nilokong tao,” dagdag niya.
Sinabi pa ng dalaga na kilala raw niya mismo kung sino ang babaeng naging dahilan ng paghihiwalay ng dalawa ngunit ayaw na lang niyang sabihin lalo na’t may anak na rin daw ang babaeng involved ngayon.
“A year after [manligaw], doon kami naging official. Last year, July. Wala talaga kaming niloko, ikamatay man ng buong pamilya ko. I swear to God,” sabi ni AJ.
Nakiusap rin ang sexy actress na tantanan na ang estranged wife ni Aljur na si Kylie dahil wala naman itong kaugnayan sa relasyon nila ng aktor.
“Tama na, guys. Tsaka pakinggan n’yo si Kylie. Tama na ‘yung pagta-tag sa kanya. Nananahimik ‘yung tao, ini-stress n’yo,” saad ng dalaga.