Kabado si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. sa magiging epekto ng panukalang batas sa Kamara na gustong gawin mandatory para sa military and uniformed personnel (MUP) na mag-ambag sa kanilang pension.
Aprobado sa Ad Hoc Committee on the military and uniformed personnel (MUP) ang isang “unnumbered substitute bill” na nag-oobliga sa MUPs, parehong nasa aktibo at bagong pasok sa serbisyo, na mag-contribute para sa kanilang pension.
May katuwiran umalma si Gibo, hindi naman kasi ito ang inaprobahang MUP pension program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
“I do not subscribe to the proposed blanket mandatory contributions for military personnel, especially for those who have already completed at least 20 years of active service,” ani Teodoro.
Para kay Teodoro ang pagpapatupad ng mandatory monthly contributions na hindi dumaan sa transition phase ay may malaking epekto sa mga sundalo.
Sakop ng MUP pension reform ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), gayondin ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP0, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at ang National Mapping and Resource Information Authority (NMRIA).
Walang malinaw na paliwanag kung bakit ang inilarga sa Kamara ay ang “unnumbered substitute bill” sa halip na ang orihinal bersyon na kursunada ni Marcos Jr.
Kung tutuusin, hindi na dapat magtaka si Gibo dahil ang ad hoc committee na nagraratsada sa MUP pension reform system ay si Albay Rep. Joey Salceda na siya ring utak nang minadaling Maharlika Investment Fund.
Ibig sabihin, tila nakagawian na ni Salceda ang magpalusot ng mga panukalang batas na hindi pinag-iisipang mabuti.
Walang pakialam si Salceda kung nagkaroon ng matinding pagtutol sa MIF ang maraming grupo at personalidad.
Ngunit sa isyu ng MUP pension reform system, dapat ay maging maingat ang Kongreso dahil ngayon pa lamang ay umuugong na demoralisado ang mga unipormado, lumalakas ang ugong na sila’y nag-aalboroto, parehong aktibo at retirado,
Sa usaping ito’y tila nagkakaroon ng banggaan ang dalawang sangay ng pamahalaan, ang ehekutibo at ang lehislatura.
Kapag ipinilit ng Kongreso na apurahing ipasa ang substitute MUP pension bill, para silang naghanap ng batong ipupukpok sa kanilang ulo.
Maaaaring magdulot ito ng mass retirement sa hanay ng mga unipormado o kaya’y maging mitsa ng kudeta dahil marami ang demoralisado.
At sino ang makikinabang kapag naging mabuway ang sektor na nangangalaga sa seguridad ng bansa?
Puwedeng ang China, maaari rin ang US pero ang tunay na mga biktima ay ang sambayanang Pilipino na nagpupumilit mabuhay sa isang bansa na ang mga politiko ay gustong maluklok sa mas mataas na puwesto nang hindi ibinoboto.