Imbes taas-pasahe, pagbasura sa Oil Deregulation Law at excise tax on fuel ang hinihiling ng transport groups na Manibela at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), paglilinaw nila kahapon.
“Ang panawagan namin, ibasura na ang Oil Deregulation Law at excise tax sa langis,” sabi ni Manibela President Mar Valbuena sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
“May memorandum circular ang LTFRB na automatic magkakaroon ng fare adjusment kapag may paggalaw sa presyo ng langis,” dagdag niya.
Muling iginiit ng PISTON na ang rollback sa presyo ng langis at fuel taxes ay makatutulong sa mga tsuper at operator.
“Sa ngayon, halos P250 kada araw ang nawawalang kita ng mga driver dahil sa mataas na presyo ng petrolyo… Kung kami ay nakaka-30 liters per day sa loob ng 25 days, halos 7,000 pesos ang nawawalang kita sa loob ng 25 days.” sabi ni PISTON National President Mody Floranda sa Super Radyo dzBB.
Ayon sa Manibela, ang probisyon para sa sapat na fuel subsidy sa lalong madaling panahon ang pinakamainam na solusyon sa usapin.
Kaugnay nito, balak ng transport group na Pasang Masda na hilingin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pisong dagdag sa pasahe bilang sagot sa paglobo ng presyo ng produktong petrolyo.
“’Yung P1 [na hirit na taas-pasahe] ay provisional increase,” sabi ni Pasang Masda President Obet Martin said.
“Kapag nag-normalize na ang [presyo ng] petroleum products, ire-recall din ang pisong provisional increase,” giit niya.
Sinabi ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero sa GMA News Online na ang mga presyo ng diesel ay maaaring hindi tumaas o posible pang magpatupad ng 20 sentimos kada litro na rollback sa susunod na linggo.