Mistulang binuhusan ng malamig na tubig ang tila nag-aalburutong bulkang postura ni Taguig City Mayor Lani Cayetano matapos ideklara ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na siya na ang bahala sa 14 public schools sa 10 enlisted mens barrio (EMBO) sa Makati City na bahagi na ng Taguig City.
Kung gaano katikas ang tindig ni Lani nang magpunta sa ilang paaralan sa EMBO para raw sa Brigada Eskwela kahit walang hawak na writ of execution, nakabibingi naman ang kanyang katahimikan sa pahayag ni VP Sara.
Batay sa Department of Education (DepEd) Order No. 023 s.2023, na inilabas noong 16 Agosto 2023, ang DepEd secretary ang direktang mamamahala sa labing-apat (14) na paaralan na apektado sa 14 enlisted men barrios (EMBO).
Kapuna-puna, ayon sa ilang political observers na inilabas ng DepEd ang kautusan matapos himukin ni Sen. Alan Peter
Cayetano ang Department of Budget and Management (DBM) na kampihan ang Taguig sa isyu ng agawan ng teritoryo sa Makati.
‘Pag ‘di ko tinanong… patay ako sa asawa ko!’ sabi ni Alan kay DBM Secretary Amenah Pangandaman sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing sa Senado hinggil sa panukalang P5.768 trilyon budget para sa 2024.
Sa kasagsagan ng balitaktakan nina Mayor Lani at Makati City Mayor Abby Binay mula noong weekend sa isyu ng takeover ng Taguig sa 14 public schools sa EMBO barangay, kapwa walang kibo sina Alan at VP Sara.
Nang umimik si Alan, saka lamang kumilos si VP Sara para pigilan ang puwersahang pananakop ng Taguig sa mga naturang paaralan.
Nabuhay ang ilang taon na rin namang away nina VP Sara at Alan na nag-ugat sa term-sharing ng House Speakership noong 2019.
Kung hindi umimik si Alan, kikilos kaya si VP Sara?
Malinaw na ngayon, kung sino ang tunay na magkalaban.