May mahigit pang isang Linggo para makahabol sina reigning Philippine Basketball Association Most Valuable Player Scottie Thompson at National Basketball Association aspirant Kai Sotto, pero inaantabayanan pa rin ng lahat kung kaya nilang maibalik ang kanilang kundisyon at maglarong handa para sa papalapit na FIBA World Cup.
Ang tatlong paparating na tune up games laban sa Ivory Coast, Montenegro at Mexico ang magsisislbing basehan dito.
Kakabalik pa lang ni Thompson sa ensayo simula nang mabali ang kanang palasingsingan noong nakaraang buwan at bagamat wala pa sa 100%, desidido ang star player ng Barangay Ginebra na mapasama sa final line up ng Gilas Pilipinas.
Malalaman ang 12 magri-representa sa Gilas sa FIBA World Cup sa 23 ng Agosto sa meeting ng mga team manager ng lahat na koponan.
Sa parte ni Thompson, tila hindi naman siya nahirapan na ibalik ang kanyang kundisyon dahil sa kabila ng kanyang injury sa daliri, patuloy siyang tumatakbo ng regular. Kilala siya sa kanyang bilis, liksi at determinasyon sa depensa at pagkuha ng rebounds.
Mas malaki ang kailangang punang oras ni Sotto, ang 7-foot-3 na sentro na naglaro sa Orlando Magic ng dalawang laro sa NBA Summer League, pero hindi nagawang matapos ng second generation cager ang kanyang huling laro dahil sa back spasm na kanyang tinamo.
Halos tatlong Linggong bakante si Sotto na hindi magawang makapag-full contact sa ensayo at malagay sa alanganin ang kanyang pagnanais na mapabilang sa final roster ng Gilas.
Malayo pa ang hahabulin ni Sotto hindi lang sa conditioning pero maging ang kanyang timing sa paglalaro.
Mahirap mang iwanan ang katulad ni Sotto at hindi maisama sa final 12, kailangan niya pa ring patunayan na karapat-dapat siyang mapabilang dito.
Iba naman ang kaso ni NBA star Jordan Clarkson, na bagamat kailan lang rin napasama sa pool, ay siyang magsisilbing sandigan ng opensa at leadership ng Gilas.
Gaya nina Sotto at Thompson, unti-unti ring ibinabalik ni Clarkson ang kanyang tikas sa paglalaro.
Ang paparating na tune up games laban sa Ivory Coast, Montenegro at Mexico ang magsisilbing unang tatlong laro nina Clarkson at Sotto sa koponan simula nang magsimula ang training camp ng Gilas nitong 1 ng Hunyo.
Dati nang nagkasama sina Clarkson at Sotto sa ika-apat na window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers pero ito ang unang pagkakataon na makakasama nila ng iba pang mga bagong miyembro gaya nina AJ Edu at Rhenz Abando gayundin si June Mar Fajardo.
Importante ang tune up games na paparating kung saan mas malalaman kung hanggang saan na ang narating ni Sotto at Thompson sa kanilang pagbabalik aksyon.