Isang malaking katanungan kung mayroon ba talagang suspension order para sa reclamation projects sa Manila Bay.
Sa isang House hearing para sa ipinanukalang 2024 badyet ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nanghingi ng kopya ng suspension order ang Gabriela Representative na si Arlene Brosas.
“Yung sinabi ng Pangulo na suspendido ang reclamation projects, ano po yung naging klarong guidelines ukol sa utos na ito? Ano pong ginamit ninyo?” aniya.
Malayo sa tanong ni Brosas ang naging sagot ni DENR Secretary Toni-Yulo Loyzaga.
Nagsasagawa aniya ng isang cumulative impact assessment na naging dahilan para itanong ulit ito ng kongresista.
Paliwanag ni Loyzaga, umaksyon na ang DENR sa verbal declaration ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“What we can confirm at this point is that we have acted on the verbal declaration of the president,” giit ng DENR secretary.
Noong 7 Agosto, idineklara ni Marcos Jr. na sinuspinde na ng gobyreno ang mga reclamation project sa Manila Bay.
Ngunit ilang araw bago ang pahayag ni Marcos Jr, sinabi ni Loyzaga sa ilang reporters na ititigil o babawasan lamang ang mga nasabing aktibidad hanggang sa matapos ang kanilang assessment.
Makaraan ang tatlong araw mula sa anunsyo ni Marcos Jr ay nilinaw ni Loyzagana lahat ng reclamation projects ay nasuspinde, at walang proyekto ang exempted na taliwas sa sinabi ni Marcos.