Noong May 5, 2023, idineklara ng World Health Organization (WHO) na ang COVID-19 ay hindi na isang global health emergency.
Ngunit hindi ibig sabihin nito ay wala nang COVID-19 virus sa buong mundo.
“It is therefore with great hope that I declare COVID-19 over as a global health emergency. However, that does not mean COVID-19 is over as a global health threat. Last week, COVID-19 claimed a life every three minutes — and that’s just the deaths we know about.” Ito ang sinabi ni Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus, WHO Director-General sa isang news conference sa Geneva, Switzerland.
Paglilinaw niya, “This virus is here to stay. It is still killing, and it’s still changing. The risk remains of new variants emerging that cause new surges in cases and deaths.”
Nito lamang July 21, idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa bisa ng Proclamation No. 297 ang pagtatapos ng public health emergency na nagsimula noong Marso 2020.
Kahit hindi na itinuturing na public health emergency of international concern ang COVID-19, maaari pa ding mahawa, magkasakit at mamatay dulot ng virus na ito.
Iniulat ng Department of Health na may unang kaso na ng XBB.1.16 o Arcturus dito sa bansa. Ang Arcturus ay bagong Omicron subvariant ng COVID-19. Unang nakumpirma ang bagong variant na ito sa isang pasyente sa Western Visayas.
Naitala noong Hulyo 23, 2023 na may 5,121 aktibong kaso pa din ng COVID-19 sa bansa. Sa kabuuan, may 4,171,618 naitalang kaso ng COVID-19 mula noong 2020 at 66,542 dito ang namatay.
Kaya naman, dapat panatilihin pa din ang pag-iingat upang maiwasan ang COVID-19 virus.
Naglabas din ang WHO ng 2023-2025 COVID-19 Strategic Preparedness and Response Plan para sa mga bansang lilipat na sa pangmatagalang pag-mamanage ng COVID-19 kasunod ng deklarasyon.
Nakapaloob sa plano ang limang mahahalagang punto sa pag-manage ng COVID-19. Ito ay: collaborative surveillance, community protection, safe and scalable care, access to countermeasures at emergency coordination.
Dagdag dito, makakamit lamang ang isang sistemang handa sa anumang pandemya kung kagyat at mapagpasya itong bibigyan ng prayoridad ng pamahalaan sa pamamagitan ng sapat na badyet para sa panlipunang serbisyo at libre, komprehensibo, de-kalidad, at pambansang pampublikong sistemang pangkalusugan.