Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court ang dalawang kasong isinampa laban kay veteran broadcaster Jay Sonza, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera, “provisionally dismissed” ng QC RTC Branch 100 ang kasong syndicated at large-scale illegal recruitment nang mabigo ang complainant na dumalo sa mga pagdinig.
Gayundin ang ginawa ng QC RTC Branch 215 na “provisionally dismissed” ang illegal recruitment case laban sa veteran broadcaster.
Nakasaad sa desisyonn, ipinaliwanag ni Assistant City Prosecutor Joseph Seares na ang private complainants ay hindi nakipag-coordinate sa kanya sa kabila ng kanyang pagsusumikap na makausap sila.
“Given the consent of the accused who is virtually present… and in view of the manifestation of the public prosecutor indicating lack of interest to prosecute this case, on the part of the private complainants, the motion of the defense is hereby granted,” sabi ng utos ng hukuman.
Sinabi ni Bustinera na ang kahulugan ng provisionally dismissed ay puwede pang buhayin ang kaso sa loob ng dalawang taon kapag may bagong ebidensya o dahilan para buksan ulit ito.
Ngunit mananatiling nakapiit si Sonza habang may nakabinbin pang mga kaso laban sa kanya sa korte gaya ng 11 counts of estafa sa QC RTC Branch 100 at isang libel case sa QC RTC Branch 77.
Si Sonza ay inaresto ng Bureau of Immigration (BI), dalawang linggo na ang nakaraan, nang magtangkang lumabas ng bansa patungong Hong Kong.