Hindi na kailanghang muling magparehistro ang mga botante mula sa mga apektado sa paglipat ng 14 enlisted mens barrio (EMBO) sa Taguig mula sa Makati , ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia kahapon.
“No need to re-register,” sabi ni Garcia sa GMA News Online nang tanungin kung anong hakbang ang gagawin upang maipatupad ang desisyon ng Supreme Court na makaaapekto sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Awtomatiko aniyang maililipat ang mga botante mula sa mga barangay na dating bahagi ng Makati City sa Taguig City.
“Kung sakali po ay walang problema naman kasi automatically transferred lahat [sila] sa Taguig. Ilipat lang po namin ang database,” aniya.
Noong Hunyo 2023 ay ibinasura ng SC ang motion ng Makati City government na humihiling na payagan silang maghain ng second motion for reconsideration kaugnay sa agawan sa teritoryo sa Taguig City.
Ito’y may kaugnayan sa 2021 SC decision na nagdeklarang ang Fort Bonifacio Military Reservation, na binubuo ng parcels 3 and 4, psu-2031, at ang sampung apektadong barangay ay bahagi ng teritoryo ng Taguig City.