PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Dalawang mangingisda na naaktuhang gumagamit ng dinamita sa karagatang sakop ng Barangay Bisucay sa bayan ng Cuyo sa Palawan ang nakatakas matapos tumalon mula sa bangka nang sila ay aarestuhin na ng mga awtoridad.
Ayon sa tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office na si Major Ric Ramos ngayong Miyerkoles, ang mga nakatakas bandang alas- 2:30 ng hapon, 15 Agosto, ay kinilalang sina Dodo Cabasag at Samuel Montaño, mga residente ng Brgy. Suba sa naturang bayan din.
“Nakatakas po ang dalawang mga violator na ito,” pahayag ni Ramos, matapos maaktuhang nagdidinamita.
Sasampahan ng kasong illegal fishing ang dalawa dahil sa paglabag sa Section 92 ng Republic Act 10654 dahil sa paggamit ng dinamita na paglabag rin sa Palawan Provincial Ordinance No. 1643, Series of 2015.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na mayroong nagaganap na ilegal na pangingisda sa karagatang sakop ng Brgy. Bisucay na gumagamit pa ng dinamita na mahigpit na ipinagbabawal sa Palawan dahil sa destrukyon sa gasangan na maaaring idulot nito.
Sa report pa ng pulisya, nang beripikahin ang report mula sa Bararing Islet, nakita nila ang bangka ng dalawang suspek ngunit biglang tumalon ang mga ito nang makita na papalapit na ang mga awtoridad.
Ang kanilang bangka ay naglalaman ng air compressor na ipinagbabawal din sa Palawan, mga improvised na dinamita sa bote, at iba pang fishing paraphernalia.