Isang kilalang ‘Amboy’ ang ipadadalang sugo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa China.
Itinalaga ni Marcos Jr. si Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. bilang kanyang Special Envoy to the People’s Republic of China for Special Concerns, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
“Mr. Teodoro L. Locsin Jr. was appointed as the Special Envoy of the President to the People’s Republic of China for Special Concerns,” pahayag ng PCO sa kanilang Facebook page.
Ang bagong posisyon ni Locsin ay ginawa sa gitna ng lumalalang tensyon sa West Philippine Sea (WPS), kasunod nang pagharang at pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa arkiladong barko ng Philippine Navy para sa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa isang Viber message sa Palace reporters, sinabi ni Communications Secretary Cheloy Garafil na si Locsin ay “on a concurrent position” bilang ambassador ng Pilipinas sa United Kingdom of Great Britain at Northern Ireland.
Matatandaan hinirang si Locsin bilang UK ambassador na may concurrent jurisdiction sa Ireland, Isle of Man, Bailiwick of Jersey, at Bailiwick of Guernsey noong 30 Agosto 2022.
Nagsilbi si Locsin bilang Foreign Affairs secretary noong administrasyong Duterte at tagapagsalita ni dating Pangulong Corazon Aquino.