Binigyan katuwiran ng Malacañang ang lumobong travel funds ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2023 dahil kailangan umano niyang tuparin ang kanyang mga tungkulin bilang Punong Ehekutibo.
Nabisto ng Commission on Audit (COA) na ang ginastos ng Office of the President para sa mga biyahe ay tumaas ng 1,453 porsiyento noong 2022.
Ang foreign travel-related expenses ng OP, ayon sa CoA ay mas malaki ng P367 milyon, mula sa P25.2 milyon noong 2021 sa P392.3 milyon noong 2022.
Ang kakaibang paglaki ng ginugol para sa overseas trips ng Office of the President sa unang bahagi ng kanyang termino noong 2022 ay nakasaad sa annual audit report ng COA..
“The significant increase of P367,052,245.96 was due to the official travels relative to the foreign summits and state visits attended by the President during the year in Singapore, Indonesia, United States of America, Cambodia, Thailand, and Belgium,” anang state auditors sa isang kalatas.
Ang mga gastusin na may kinalaman sa international trips ay sakop ang mga kasamang opisyal at kawani ng gobyerno sa biyahe.
Kabilang anila rito ay ang transportation, travel per diem, passport at visa processing, at lahat ng ibang travel-related expenses.
Samantala, ang gastusin para sa local travel ay bahagyang bumaba ng 6.97% mula sa P11.5 milyon sa P10.7 million.
Sa isang hiwalay na kalatas, sinabi ni Communications Secretary Cheloy Garafil na ang mga biyahe ni Marcos Jr. sa loob ng bansa ay may mahalagang papel sa paghubog ng kanyang ‘decision-making process.’
Hiniling ng OP ang halos 58% dagdag sa budget ng domestic at international travel para sa 2024 kompara ngayong taon, na nagkakahalaga ng P1.41 bilyon, mas mataas ng 10% sa overall budget ng OP sa susunod na taon.