Muling lumitaw ang isyu ng palpak na promotional video ng Department of Tourism kahapon, habang nagdedebate ang mga mambabatas at ang ahensya para sa badyet nito sa 2024.
Bagamat akala ng marami ay tapos na ang isyung ito — isa sigurong maituturing na nagdulot ng napakalaking kahihiyan sa bansa — hindi lang pala sa terminasyon ng kontrata ang magtutuldok dito.
Para kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, hindi sapat ang terminasyon o pagkansela lamang ng kontrata ng DoT laban sa DBB Philippines, ang producer ng umanoy “palpak” at “plagiarized” na footages na ginamit sa bagong tourism slogan ng DoT na “Love the Philippines.
Diin niya, dapat kasuhan ang DBB sa kahihiyang dinulot nito sa bansa.
“Trabahong tamad” at “misrepresentation” umano ang ginawa ng DBB na nararapat lang na mabigyan na legal na aksyon.
Bilang tugon, ipinaliwanag ni DoT Undersecretary Elaine Buthan na bagamat ang pangunahing prayoridad ng DoT ay agad na i-terminate at kanselahin ang kontrata sa DBB, isinasaalang-alang pa rin nila ang pag-file ng kaso laban dito.
Matatandaang unang pumutok ang isyu nang tirahin ni Albay Rep. Joey Salceda si Tourism Secretary Cristina Frasco sa umanoy hindi pagsama nito sa tanyag na Mayon Volcano sa tourism video campaign.
Kasabay din nito ang pagputakte ng publiko sa slogan, na “Love the Philippines” na ani ng ilan ay hindi pinag-isipan.
Lalo pang uminit ang isyu matapos mabuking ang DBB sa paggamit nito ng hindi orihinal at stock footage ng ibang bansa.
Burado na ang “Love the Philippines” tourism video sa ibat-ibang social media platforms ng DoT.
Nauna nang ibinunyag ni Frasco na nasa P49 milyon ang ginastos nila sa bagong tourism slogan, ngunit kalaunan ay binawi niya rin ito.
Hunyo 27 nang ilunsad ng DoT ang bagong promotional video.
Isiniwalat din ni Frasco na bukod sa kontrata sa tourism video, tinerminate din ng DoT ang isa pang kontrata nila sa DBB na nagkakahalagang P124.45 milyon na dahil kontrobersyal na isyu.