Nabigo ang dating newscaster at TV host na si Jay Sonza na lumabas ng bansa patungong Hong Kong matapos harangin ng Bureau of Immigration (BI).
Inaresto si Sonza sa mga kasong estafa at syndicated and large scale illegal recruitment.
“Siya po. Ikinomit po siya sa pangalang Jose Y. Sonza ng [Regional Trial Court] Branch 100, Quezon City,” wika ni Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Bureau of Jail management and Penology, sa panayam ng ABS-CBN News.
“Ito pong kaso niya po ay isa na estafa at isa na syndicated and large scale illegal recruitment.”
Dalawang linggo na ang nakalilipas nang pansamantalang ibilanggo ng BI si Sonza, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Agad inilipat sa kostodiya ng NBI ang kontrobersyal na personalidad bago tuluyang mapasakamay ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Quezon City.
“Accused Jose Y. Sonza should not be released except upon the order of this Court,” wika ng commitment order na pinetsahang ika-27 ng Hulyo.
“The Chief, [NBI], is director to comply with the commitment protocol provided in LGU Executive Order No. 30 signed by mayor Josefina G. Belmonte, and the mandatory 14-day quarantine period at Quezon City Jail Ligtas Covid-19 Center (QCJ-LCC) located at Barangay Bagong Silangan, Payatas, Quezon City, instead of Quezon City Jail-Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Quezon City.”