Magiging pahirapan ang pagpili sa 12 players na maglalaro para sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup matapos magpakita sa ensayo sina reigning Philippine Basketball Association Most Valuable Player Scottie Thompson at 7-foot-3 center Kai Sotto.
Tapos na ang drama sa pagitan ng Gilas at ni Sotto at nakatuon na lang sa preparasyon ang kanilang atensyon.
Walang dramang kailangan sa pagbabalik aksyon ni Thompson na ang tanging hangarin lang ay mapabilang sa final 12.
Ano pa man ang maging itsura ng Gilas, sina Thompson, Sotto, National Basketball Association star Jordan Clarkson, mga beteranong players na sina June Mar Fajardo at Japeth Aguilar at ang papausbong na big man na si AJ Edu ang unang kalahati na aking ilalagay sa aking listahan sa final 12.
Kung ako ang papipiliin, hindi magiging mahirap para sa akin ang mailagay ang anim na ito sa Gilas team.
Ang tambalang Clarkson at Thompson ang maituturing kong pinakamagandang backcourt combination hindi lang dahil sa galing kung hindi dahil na rin sa iba’t-ibang bagay na kaya nilang gawin sa loob ng court.
May opensa, depensa, hustle plays at excellent decision-making kang makikita sa pagitan nina Clarkson at Thompson.
Wala man sa kundisyon, mahirap iwanan ang isang player na katulad ng klase ni Sotto.
Hindi araw-araw na magkakaroon tayo ng matangkad na player na mataas ang potensyal at posibleng maging unang full-blooded Filipino na makapaglaro sa NBA.
Sa panahong mga bata ang namamayagpag, kailangan mo rin ang presensya ng mga beteranong gaya nina Fajardo at Aguilar na nagtatangkang mapabilang sa World Cup team sa ikatlong pagkakataon habang bagay naman magsilbing on-job-training ito ni Edu, ang 6-foot-10 forward na makasama ang mga mas eksperyensyadong players.
Ang ikutan ng malalaking players na gaya nina Sotto, Fajardo, Aguilar at Edu ang magbibigay ng pinakamalaking front court sa kasaysayan ng Philippine basketball sa anumang major international competitions.
Solido na ang backcourt at front court ng Gilas pero ang wing position ang inaasahan nating kailangang palakasin, pero sa klase ng laruan sa international competitions, kailangan natin ng mas matatangkad na players na kayang maka match up sa 6-foot-6 o 6-foot-7 players na small forwards or big guards kung kaya ang mga players na sina Jamie Malonzo, Calvin Oftana, Rhenz Abando, Roger Pogoy, Dwight Ramos, at Chris Newsome ang aking pipiliin.
Sa bawat pagpili ng final 12, may mga maiiwan at mahirap na desisyon ito para sa mga coaches.
Pero sa 16 na nagsakripisyo para sa bayan, buo ang suporta ko sa inyong lahat kasama ang buong sambayanan na nagmamahal sa basketball.
Para Sa Bayan!