NAGHIRAP ulit ang may 1.4 milyong pamilya sa panahon ng COVID-19 pandemic kaya’t hiniling nilang maibalik sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“So ang nangyari doon, mayroong kulang-kulang na 700,000 na pamilya na na-tag na initially before the lockdown happened na hindi na sila poor.
Pero pagtapos ng COVID bumalik sila sa departamento at sinabi nila na, “Bumalik kami sa kahirapan dahil nawalan kami ng trabaho, nagkaroon ng effect sa pamilya namin ang COVID…” so nag-request sila ng reassessment – that 700,000 families,” ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa ginanap na press briefing kahapon.
May dagdag pa aniyang 700,000 pamilya na hindi na-assess sa panahon ng pandemya dahil sa lockdown kaya’t hindi sila napuntahan ng social workers mula sa DSWD.
“Another 700,000 families more or less thereabout ay mga pamilya na hindi na-assess dahil nag-lockdown na, hindi nakalapit… hindi nakalabas sa labas iyong mga assessor natin kasi remember, survey-based iyan eh. So hindi sila nakalabas dahil lockdown na so ‘pag pinagsama ‘tong numero na ‘to, we’re looking at close to around 1.4 Filipino families,” paliwanag ni Gatchalian.
Ayaw ng kalihim na madaliin ang proseso nang pag-alis sa listahan ng 4Ps at patuloy ang ginagawa nilang assessment.
“Kung matatandaan natin ang 4Ps is 4.4 million households ang kasama diyan so imagine ninyo 1.4 ang nagkaroon ng aberya. Eh ayaw namang madaliin ng departamento na bigla na lang natin magde-delist or sasabihin natin hindi nila sila rerebisitahin ulit,” aniya.
Tiniyak niya na sa susunod na buwan aniya ay tapos na ang pagsala sa listahan.