Kahit sundin pa ng isang ordinaryong Pinoy ang “Sipag at Tiyaga” na sikreto sa pagyaman ni dating Senate President Manny VIllar, walang pag-asang mapantayan niya ito.
Kailangan kasing kumayod ng hanggang 2,400,000 taon ang isang uring manggagawa sa Metro Manila para mapantayan ang yaman ni Villar na $9.7-B.
Base ito sa kuwentada ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, na ipinaskil sa Facebook.
“An NCR minimum wage worker has to work every day for 2,400,000 years to earn what Manny Villar is worth today,” aniya.
Ang isang minimum wage earner sa National Capital Region (NCR) ay tumatanggap ng P610 sahod kada araw.
Puwede aniyang mag-akda ng panukalang batas hinggil sa billionaire wealth tax ang mag-inang sina Sens. Cynthia at Mark Villar, pati anak na babaeng si Las Pinas City Rep. Camille Villar, pati ang 4 na senador at 38 kongresistang miyembro ng Nacionalista Party.
Giit ni Africa, kahit makapagbayad sila ng P32 bilyon wealth tax sa kaban ng bayan, mayroon pa rin matitira sa kanilang P504 bilyon.
“Wife & son can author/sponsor a billionaire wealth tax in Senate and daughter in House of Representatives, also mobilizing the Nacionalista Party’s 4 senators & 38 representatives,” ani Africa.
“Even after paying P32 billion in wealth tax to the nation’s coffers, they’ll still have P504 billion.”
Habang ang halos 6% ng kanilang kayamanan ay maaari nilang ibigay upang magamit para sa ayuda at mapalawak ang serbisyong panlipunan.
“The less than 6% of their wealth they contribute can be used for ayuda and to expand social services.”
Nakakalula ang mga numerong tinuran ni Africa para ipaliwanag kung gaano kayaman si Villar kompara sa isang anakpawis.
Ang nakalulungkot, sa kabila ng napakalaking agwat ng mayayaman sa mahihirap sa bansa, mas gusto pa ng administrasyong Marcos Jr. na patawan ng dagdag na buwis ang mga pobre at middle class.
Halos lahat na yata ng sangkap ng pagkain na kayang bilhin ng mahirap, may buwis.
Habang ang nakaririwasa, tinapyasan ang buwis ng kanilang kita at yaman kaya’t patuloy itong lumalago.
Bagong Pilipinas ba ‘ika nyo?