Pinagsasaksak ang isang 39-anyos na lalaki sa Barangay 118 sa Tondo, Manila nang makasalubong niya ang dating kaalitan noong biyernes, Agosto 11.
Nadala pa ang biktima na kinilala na si Launer Depano sa ospital ngunit ito ay agad na binawian ng buhay.
Ayon sa imbestigasyon ng pulis, inabangan umano si Depano sa isang kalye malapit sa kanilang bahay. Nakatakbo pa ang biktima ngunit ito ay nadapa at doon na pinagtataga ng suspek.
Nangyari ang buong insidente sa harap ng tatlong-taong gulang na anak ng biktima.
“Nakakaawa ‘yung bata kasi iyak ng iyak. Nakita talaga nung bata,” wika ni PSSg. Roderick Magpale, ang imbestigador ng Homicide-Manila Police District.
Idinagdag din ni Magpale na nagkaroon na ng dating pagtatalo ang dalawang biktima ngunit ito ay naresolba din.
Umamin ang suspek sa ginawang krimen at kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder.