Agaw-pansin ang animated Filipino-Ilokano na pelikulang pinamagatang “Iti Mapukpukaw” (Ang Nawawala) matapos ito maging highest grossing entry sa 2023 Cinemalaya Film Festival.
Ang kuwento nito ay umiikot sa karakter na si Eric, na ginagampanan ni Carlo Aquino, isang batang animator na literal na walang bibig, na pinilit na harapin ang trauma ng pagkabata. Kasama niya sa hamon ng buhay ang kanyang ina na si Rosalinda (Dolly De Leon) at isang espesyal na lalaki, si Carlo (Gio Gahol).
Ayon sa direktor ng pelikula na si Carl Joseph Papa, ang istorya ng pelikuka ay mula sa kanyang sariling mga karanasan sa buhay.
“Sinulat ko lang lahat ng gusto ko. Mayroon akong sketchpad kung saan ko nilalagay lahat ng ideas ko,” paliwanag ng direktor.
Ang pelikula ay nakatanggap ng masigasig na reaksyon mula sa mga manonood na itinuturing ng direktor bilang isang gantimpala matapos tumagal ng 10 taon bago siya maging bahagi ng Cinemalaya filim competition.
Pahayag din ni Papa, kahit madami ang nakuha nilang mga parangal, ang layunin nila ay maiparating ang mensahe sa pelikula.
“Kung meron pang anything other than that, it’s a gift na lang. Pero ang message namin is to get the message across,” aniya.
Ang Iti Mapukpukaw ay ang unang animated na pelikula na umabot sa cut sa film festival competition.