Binisita ng mga pulis si veteran forensic pathologist Raquel Fortun matapos niyang ilabas ang kanyang findings sa pagkamatay ng dalawang teenagers sa Navotas at Caloocan.
Ibinahagi niya sa social media na ang mga pulis ay nagtungo sa kanyang opisina noong Biyernes, 11 Agosto, hinggil sa mga kaso nina Jerhode “Jemboy” Baltazar and Kian delos Santos.
Si Baltazar ang 17-anyos na binaril sa ulo ng mga pulis-Navotas noong 2 Agosto 2023 dahil umano sa “mistaken identity.”
Habang si Delos Santos,ang isa pang 17 taong gulang na napatay ng Caloocan police noong unang mga buwan ng madugong drug war ng administrasyong Duterte.
Isinagawa ni Fortun ang isang autopsy sa mga labi ni Baltazar at napaulat na napatunayan na siya’y nasawi bunsod ng brain injuries dulot ng tama ng bala at nakadagdag pa ang pagkalunod sa dahilan.
Isinailalim ng forensic expert sa isang re-autopsy si Delos Santos ngayong taon at natuklasan na isang bala ang tumama sa kanyang leeg , na hindi nakita sa nakaraang examinations isinagawa ng Philippine National Police (PNP) at ng Public Attorney’s Office (PAO).
“Btw [by the way], dinalaw na ako sa ofc [office] ng Navotas police for Jemboy’s autopsy, at Caloocan police for Kian’s bullet,” ipinaskil ni Fortun sa X (dating Twitter) platform noong 13 Agosto.
Naglilingkod si Fortun bilang pinuno ng pathology department sa University of the Philippines Manila.
“Oo na, you know where to find me. Just putting this out there for whatever protection this disclosure could offer,” aniya sa nag-viral na post.
“If something happens to me, mag-iingay kayo, ha. I take some comfort in that, thanks,”sabi ni Fortun sa isa pang post.
Kahapon ay ang kinatawan naman ng “prosecutor’s office” ang bumisita sa kanya.
“Wasn’t it your job to investigate? Why harass me for my findings??” sabi ng forensic pathologist sa post kahapon, 14 Agosto.
“Friday, nagpunta ang police, today prosecutor’s [office]. Do you know what it takes to do a forensic autopsy? On top of all the other work I do?” dagdag niya.
“The requesting party is the family. The report, when ready, goes to them,” giit niya na ang tinutukoy ay ang pamilya Baltazar.
Nababahala rin ang pamilya Baltazar sa pagdalawa sa kanila ng mga pulis upang kumuha ng mga bagong pahayag nila.
Ikinatuwiran ng pulisya na ang pagbisita nila kay Fortum ay para ipaalam sa kanya na kailangan na ng piskalya ang resulta ng kanyang ginawang autopsy sa mga labi ni Baltazar.
Nauna nang sinabi ni Fortun na ang estilo ng pagpatay kay Baltazar ay isang homicide at maaaring nabuhay pa sana siya kung hindi ito nahulog sa ilog.
Kaugnay nito, kinompirma ni PCol. Allan Umipig, hepe ng Navotas City police, sa panayam sa Radyo5, na naka-off ang body camera na suot ng isang pulis na sangkot sa pamamaril kay Baltazar dahil naubusan daw ng baterya.