“Making special memories everyday”. Ganto inilarawan ng bise-gobernador ng Batangas na si Mark Leviste ang bonding ng kanyang anak na si Conrado at ang mga anak ni Kris Aquino na si Bimby at Josh.
Kita sa Instagram post ni Leviste ang masayang bonding sa Disneyland ng dalawang personalidad. Kasama rin sa mga larawan ang anak ni Junjun Binay na si Jej Binay.
“One day at Disney with ABC: Aquino, Binay and C2” ang isang bahagi ng caption sa Instagram. Idinagdag din ng bise-gobernador na matatangkad na ang kani-kanilang mga anak at hindi nagkakalayo ang mga edad nito.
Sa isang hiwalay na post ay ipinakita ni Mark ang pagiging malapit niya sa panganay ni Kris na si Josh.
“Mahal Kita” ang caption ng post ni Leviste. Ang lokasyon ng Instagram post ay sa Balboa Bay Resort sa California, ayon sa lokasyon na kasama sa post.
Kinumpirma ng “Queen of All Media” noong Hulyo 10 sa isang mahabang Instagram post ang pagtatapos ng relasyon niya kay sa bise-gobernador.
“I’m keeping my word that he will never read nor hear me saying anything negative about him because what for? We’re not enemies, we just weren’t meant for each other”
Nasa Amerika si Aquino para sa kanyang pakikipaglaban sa kanyang sakit mula noong Hunyo 2022.