Iniulat ng mga otoridad na isang sundalo ang nasawi habang sugatan ang pito nitong kasama matapos silang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Ulitan, Ungkaya Pukan sa Basilan, Sabado.
Ayon sa Western Mindanao Command, kinondena nito ang ginawa ng hindi pa nakikilalang grupo laban kay Vice Mayor Ahmadin Baharim ng Ungkaya Pukan, at mga tropa ng 65th Infantry Battalion, at pulisya na miyembro ng Joint Peace and Security Team.
Batay sa impormasyon mula sa Western Mindanao Command, bandang 3:45 ng hapon, pinaulanan ng bala ng nasa 10 armadong kalalakihan ang isang platoon ng Alpha Company ng 64IB, kasama si Baharim at JPST na sakay ng dalawang KM450 at 2 civilian vehicles sa Barangay Ulitan.
Nasa lugar ang bise alkalde para magsagawa ng ocular inspection para sa outreach program na gaganapin sa ika-18 ng Agosto.
Gumanti umano ang mga sundalo na nagresulta sa limang minutong engkwentro at napatay ang isang sundalo habang anim na sundalo at isang pulis ang nasugatan.
Agad na tumakas ang mga salarin.
Samantala, kalaboso ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang ilang beses na halayin umano ang isang menor de edad sa isang inuman sa Liliw, Laguna.
Dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police ang isang alyas “Mark,” na wanted sa statutory rape at ayon sa pulisya, isa siya sa most wanted ng Police Regional Office 4-A at palipat-lipat ng lugar kaya hindi naging madali ang paghuli sa kaniya.
Sa iba pang balita, natimbog ang isang half-Japanese at half-Pinoy matapos niyang saksakin ang isa pang lalaki na kumakausap sa kaniyang nobya sa Laguna.
Batay sa report, sinabing patakas na sana ang 26-anyos na suspek nang madakip ng Los Baños Police.
Ayon sa pulisya, nagselos umano ang suspek sa biktima at nakunan pa sa CCTV na naglalakad ang suspek na tila walang nangyari matapos ang pananaksak.
Samantala, tatlong barker ang nambugbog sa isang konduktor ng modern jeepney sa Jaro, Iloilo City.
Ayon sa mga ulat, isang barker ang unang nakasuntukan ng konduktor at ilang sandal pa ay nakisuntok na rin sa konduktor ang dalawa pang barker.
Ayon sa kooperatiba ng mga modern jeep, posible umanng nagalit ang mga barker na ayaw na kumuha ng pasahero ang kanilang mga sasakyan sa naturang lugar.
Sasampahan umano ng reklamo ang kooperatiba ang tatlong barker na nanakit sa kanilang konduktor.