Inihayag ni Prof. Renato de Castro, political analyst mula sa De La Salle University, na dapat bigyan ng kredito si Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapataas nito ng kamalayan hinggil sa kinakaharap na external threat ng bansa.
Ayon kay De Castro, ang pagpahayag ng opinyon ng Pangulo hinggil sa sitwasyon sa West Philippine Sea ay inihanda na ng Pilipinas para sa hinaharap na mga hakbang ng China na naglalayong kontrolin ang West Philippine Sea o ang tubig sa loob ng unang island chain.
“We have to give also credit to the President ‘no? Every time he delivers a speech sa Armed Force of the Philippines, sinasabi niya ang threat natin nasa labas na, the Armed Forces of the Philippines would have to focus on geopolitics, kasi ang challenge naman talaga sa labas. So, ayan iyong challenge natin we have to tell the Filipino nation that the challenge would be long. It will be primarily maritime in nature, and our goal is to ensure that the Philippines develops a powerful maritime capability,” saad ni De Castro.
Dagdag niya, mahalagang i-build up ng Pilipinas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine Coast Guard, at para makamit ito kailangan ng bansa ang isang matatag na na ekonomiya, industries at power generation capacity.
Ipinunto din ng political analyst na mahalaga din na makumbinsi ng gobyerno ang bawat Pilipino ang pangangailangang mag-invest ng higit sa depensa.
“Kasi iyan talaga ang isyu natin eh. Noong panahong na nandito iyong (US) bases, we could afford na hindi gaanong kataas iyong defense budget, until now tayo pa rin ang mayroon pinakamaliit na defense budget sa buong Southeast Asia, less almost ideally supposed to be 2 percent ngayon, less than 1 percent (of GDP),” sabi ni De Castro.
Iginiit rin niya na dapat ma incorporate sa national security strategy ang nasabing hakbang.
“The Philippines is an archipelagic state. The Filipino nation is a maritime nation. Ang future ng ating bansa is, of course, developing our maritime capabilities and, of course, harnessing our maritime resources,” sabi ni De Castro.
Una nang inihayag ni Marcos na hindi siya mamumuno sa anumang proseso na magpapabaya sa kahit isang pulgadang parisukat ng teritoryo ng Republika ng Pilipinas sa anumang dayuhang kapangyarihan.