Inihayag ni House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Makati City Representative Luis Jose Angel Campos Jr. na nakatakdang tumanggap ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng humigit-kumulang P2.8 bilyon para sa mga proyektong pang-imprastraktura kabilang ang P1.2 bilyon acquisition ng bagong traffic management system kasunod ng New Year’s Day breakdown na nakagambala sa daan-daang flight.
Sinabi ni Campos Jr. na nasa P1.2 bilyon sa panukalang 2024 budget ang inilaan para sa communications, navigation, and surveillance – air traffic management (CNS-ATM) system na naglalayong mapabuti ang kahusayan ng pangunahing gateway ng bansa.
Ito ay dahil hindi bababa sa 282 na flight ang kinansela, diverted, o naantala sa New Year’s Day, na nakakaapekto sa 56,000 mga pasahero dahil sa outdated system.
Matatandaan na binanggit ni Transportation Secretary Jaime Bautista noong Enero, ang pangangailangan para sa isang backup system, dahil ang kasalukuyang sistemang ginagamit na tinatayang nagkakahalaga ng P13 bilyon — ay nasa kalagitnaan na ng buhay nito.
Noong nakaraang buwan, pinili ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ituloy ang planong isapribado ang naturang paliparan sa pamamagitan ng solicited bid na ang halaga ng paunang pagbabayad ay pinag-aaralan na ngayon at tinatayang nasa P30 bilyon.
Ito ay matapos magsumite ang Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) noong Hunyo ng joint proposal sa NEDA Board na humihingi ng private concession para mamuhunan at mapabuti ang NAIA sa loob ng 15 taon.
Inaprubahan naman ng NEDA Board ang 15-year concession period, na may opsyong mag-renew ng isa pang 10 taon batay sa performance review, at sakalaing maantala ang dalawang bagong airports – ang New Manila International Airport sa Bulacan at ang Sangley International Airport sa Cavite.