Napigilan ng “People Power” ang pagtatangka ng mga tauhan ng Taguig City na i-takeover ang 14 na public schools sa 10 enlisted mens barrio (EMBO) kahapon nang magbarikada ang pinagsanib na puwersa ng mga residente, non-government organizations, Bantay Bayan at ng mga kagawad ng Makati City Police.
Ganap na alas- 6 ng umaga nang ikasa ang barikada malapit sa mga paaralan bilang paghahanda sa pagdating ng mga inutusang mag-takeover sa mga eskuwelahan.
Sa isang pahinang notice to proceed na nilagdaan ni Dr. Cynthia L. Ayles, officer-in-charge ng Schools Division Superintendent ng Taguig City, Alvin I. Riberfa, authorized representative ng Joint Ventures ng Best Security Agency, Inc. at Best Arms Security Agency Inc., ay inutusan silang magtalaga at magpakalat ng kinakailangang bilang ng mga security gurd upang magbantay sa dagdag na public schools sa 12 Agosto 2023 ng 14 na public schools.
Kasama sa public schools na nakasaad sa notice to proceed ni Ayles ay ang Fort Bonifacio Elementary School, Cembo Elementary School, South Cembo elementary School, Pitogo Elementary School, East Rembo Elementary School, Comembo Elementary School, West Rembo elementary School, Pembo Elementary School, Makati Science High School, Benigno S. Aquino High School, Tibagan High School, Bonifacio High School at Pitogo High School.
Ngunit mabilis na inutusan ni Arnold C. Magpantay, Makati City General Services Officer si Jaime M. Dimaano, authorized representative ng Greatstar Security Services Inc. Upang mahigpit na maipatupad ang mga hakbang panseguridad at kaligtasan ng mga paaralan sa pamamagitan ng hindi pagpapasok sa mga tauhan mula sa Taguig City sa mga paaralan ng walang written consent mula sa lokal na pamahalaan ng Makati.
“This office received some reports that apparently guards will be deployed by the City government of Taguig to take-over the said schools on 12 August.”
Mabilis na pumosisyon ang concerned residents, Bantay Bayan, NGOs at mga pulis ng Makati City upang pigilan ang takeover ng walang kaukulan papeles mula sa Makati City LGU at korte.
Kaya nang dumating ang tropa ng Taguig City na kinabibilangan ng Traffic Management Office at ang security guards na magbabantay sana sa mga paraalan, nabigo silang ipatupad ang takeover dahil wala silang maipakitang anomang dokumento para maisagawa ang kanilang balak.
Nauna rito, inihayag ni Makati City Mayor Abby Binay na ang mga paaralan at iba pang pasilidad sa 10 EMBO barangay ay nakatitulo ang lupa sa kanilang lungsod kaya’t hindi puwedeng kunin ng Taguig City kahit nagwagi sila sa jurisdictional case sa Korte Suprema.
Hinamon ng Makati City ang Taguig City na magpakitang may kakayahan silang ibigay ang kinakailangang serbisyo na nagkakahalaga ng P9 bilyon na ipinagkakaloob ng siyudad sa 322,000 residente nito na mapupunta na sa lungsod na pinamumunuan ni Mayor Lani Cayetano, batay sa pasya ng Kataas-taasang Hukuman.
Nakatatanggap din ang mga residente ng free maintenance medicines, school uniforms at iba pang serbisyo mula sa Makati.