Nanawagan si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na i-ban ang mga kompanyang pagmamay-ari ng China bilang sagot sa patuloy na pambu-bully nito sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Ayon kay Zubiri, hindi dapat nakikipag-ugnayan ang mga ahensya ng gobyerno sa mga kompanyang pagmamay-ari ng China na ginagamit umano ang pera ng taong-bayan para pasakitan ang mga Pilipino sa sarili nitong teritoryo.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang mga construction companies na pagmamay-ari ng China na gumagawa ng malalaking infrastructure projects sa bansa sa tulong ng mga ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOT).
Iginiit niya na kung may dapat pagbigyan ng mga proyekto, ito ang mga bansang “kaibigan” ang turing sa Pilipinas gaya ng Japan at South Korea.
Suportado ng iba’t ibang grupo ang panawagan na ito lalo’t mas tumitindi ang panggigipit ng China sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nitong nakaraang Linggo lamang, mariing kinondena ng gobyerno ng Pilipinas ang paggamit ng water cannon ng barko ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard habang nasa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sa halip na humingi ng paumanhin sa nangyari, iginiit ng China na walang mali sa naging aksyon ng coast guard nito.
Ipinag-utos rin nito ang pagtupad ng Pilipinas sa pangako nitong pag-papaalis sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Nauna nang itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala umanong kasunduan ang Pilipinas at China na aalisin nito ang nasanbing barko sa Ayungin Shoal.
Ang BRP Sierra Madre na barkong pandigma ay sadyang isinadsad ng gobyerno ng Pilipinas sa Ayungin Shoal bilang sagot sa iligal na pag-okupa ng Chinas sa Panganiban Reef noong 1995.
Iginiit rin ni Marcos na mananatili ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na regular na tinatauhan ng mga miyembro ng Philippine Navy.
Ang Ayungin Shoal na pilit inaangkin ng China ay may layo lamang na 105 nautical miles sa kanlurang bahagi ng Palawan.
Ayon sa 2016 arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration, ang Ayungin Shoal at iba pang inaangking teritoryo ng China ay parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Pitong taon matapos maipanalo ng bansa ang arbitral case nito laban China, patuloy pa rin itong naninindigan sa nine-dash line claim nito sa halos buong South China Sea.