Muling nanawagan kahapon si Senator Christopher “Bong” Go para sa modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) upang mapabuti ang maritime welfare at seguridad ng bansa.
Inihayag ito ng senador kasunod ng pagkamatay ng isang 55-anyos na ginang sa lumubog na passenger vessel MB King Sto. Niño 7 malapit sa Corcuera sa Romblon noong 5 Agosto 2023.
Inihalimbawa rin ni Go ang trahedyang naganap sa Binangonan, Rizal noong 27 Hulyo, nang lumubog ang isang bangka dulot ng malakas na hangin at ulan na ikinasawi ng 27 katao.
“Kung kailangan pa nating mas palakasin ang PCG upang mas magampanan nila nang buong husay ang kanilang tungkulin, (gawin po natin),” ani Go.
Ngunit, dapat aniyang may managot sa insidente.
“Unang-una, managot po ang dapat managot dito at sino talaga ang may kasalanan. Tuwing may lumulubog, tuwing may disaster na nangyayari, sisihan ang nangyayari,” giit niya.
Inihain ni Go ang Senate Bill No. 2112, o ang PCG Modernization Bill, dahil kailangan gawing makabago ang Coast Guard upang magampanan ng husto ang kanilang tungkulin bilang “frontline defense” ng bansa laban smuggling at terrorism.