Kung laki at talento lang ang pag-uusapan, walang duda na ang bagong henerasyon ng Gilas Pilipinas team ang maituturing na pinaka-talentado at pinakamalaking koponan na magdadala sa bansa sa FIBA World Cup.
Sakali mang makapasok si 7-foot-3 Kai Sotto, ito na ang pinakamalaking line up na mabubuo ng ating pambansang koponan sa lahat ng torneong kanilang nilahukan.
Bukod kay Sotto, ang pinakamatangkad na Pinoy player sa kasaysayan, nariyan rin ang mga beteranong sina June Mar Fajardo at Japeth Aguilar at ang pinakabagong miyembro ng programa na si AJ Edu.
Ang 6-foot-10 na si Fajardo at 6-foot-9 na si Aguilar ay miyembro ng koponan mula pa noong 2013 kung saan naging bahagi sila ng makasaysayang koponan ng Gilas team na pinutol ang 40 taong paghihintay na makapasok muli sa larangan ng world basketball.
Si Edu, ang Filipino-Cypriot, ay nagpakita rin ng kaniyang abilidad at pinatunayan ng 23-anyos na athletic big man na handa siyang harapin ang hamon para maglaro sa bansa matapos ang impresibong paglalaro sa nakaraang China series.
Hindi lamang laki ang siyang maidadagdag sa mga bagong sundalo ng Gilas Pilipinas dahil maging sa talento ay hindi pahuhuli ang ating koponan.
Kabilang ang Pilipinas na may maituturing na high-profile players at sa katauhan ni Jordan Clarkson, ipaparada ng bansa ang isang NBA All-Star na maituturing na isa sa pinakamakinang na bituin na makikita sa pinakamalaking torneo sa larangan ng basketball.
Nagsimula nang magensayo si Clarkson nitong Miyerkules sa isang closed-door session at kaagad na ipinakita kung gaano siya kahanda sa pagsalang sa FIBA World Cup.
Bukod sa mga premyadong players na nabanggit, sasandalan rin ng Gilas ang iba pang miyembro ng pool gaya nina Dwight Ramos, Ray Parks, Kiefer at Thirdy Ravena na mga star players sa Japan B. League, Rhenz Abando, ang Pinoy champion player na naglalaro rin sa Anyang KGC sa Korean Basketball League, at iba pang mga pambato sa PBA gaya nina Jamie Malonzo, CJ Perez, Chris Newsome, Calvin Oftana at Roger Pogoy.
Walang duda na itong mga bagong sandata ng Gilas ay hitik sa talento at laki, pero gaano naman kalaki kaya ang kanilang puso sa laban?
Ito ang malaking tanong ni Marc Pingris, ang siyang sandigan pagdating sa pagbibigay ng enerhiya sa kanyang koponan noong naglalaro pa siya para sa national team mula noong 2013 hanggang 2016.
Kabilang si Pingris sa koponan ng Gilas na tinulungan ang koponan na makapasok muli sa FIBA World Cup at makatikim ng unang panalo sa premyadong competition noong 2014.
Kamuntik na ring makapasok ng Gilas sa Olympics at dalawang beses, napasama rito si Marc Pingris – sa 2015 FIBA Asia Cup kung saan nakopo nila ang silver medal at ang 2016 Olympic Qualifying Tournament.
Tiwala man sa talento at laki ng Gilas ngayon na siyang magiging mga sandata ng koponan, may nais pa ring makita si Pingris sa paparating na malaking laban para mas maisakatuparan ang minimithing Olympic berth at maging No.1 Asian team sa FIBA World Cup.
Para naman kay Jayson Castro, hinirang na Best Point Guard in Asia ng dalawang beses, malaki pa rin ang tsansa ng Pilipinas na maging No.1 Asian team at makumpleto ang pangarap na bumalik sa Olympics, pero kailangan nila ang suporta ng bawat Pilipino.