Lubog na nga sa baha, lubog pa sa utang? Mukhang ito ang direksyon ng bansa sakaling maaprubahan ang P5.768-T national budget sa 2024.
Pinuna ni Batangas 6th District Representative Ralph Recto ang panukalang 2024 national budget na inihain sa Kongreso.
Ayon sa kongresista, ito ay lampas na sa threshold ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) kaya mauuwi ang bansa sa pangungutang.
Sinabi ni Recto, nasa P11.7-B lang ang kayang sagutin ng BIR at BOC araw-araw.
Ang kakulangan ay maseselyuhan ng utang na gagawin ng gobyerno na aabot sa P4-B araw-araw.
“Ang mahalaga ay gastusin natin ng tama upang lumago ang ating ekonomiya at may pambayad tayo sa utang,”ani Recto.
Ang utang ng bansa ay umaabot na sa P14.10-T, ayon sa datos ng Bureau of Treasury para sa Hunyo ngayong taon.
Para kay Budget Secretary Amena Pangandaman, “Basta nagagamit, ok lang naman siya,” tugon niya sa opinyon ni Recto kaugnay sa proposed 2024 national budget.
Ayon kay Pangandaman, may sinusundan silang antas sa pangungutang.
“I checked with the Treasurer this morning, it’s still consistent with our plan,” dagdag niya.
Giit ni Recto sa interbyu ni Noli De Castro sa Radyo 630 na makakatulong ang Maharlika Investment Fund sa kasalukuyang budget deficit sa pamamagitan ng pagsiguro ng investment deals na kikita ang bansa.