Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng reclamation projects sa Manila Bay, maliban sa isang proyekto na ‘under review.”
Inihayag ito ng Pangulo noong Lunes sa situation briefing sa Malolos City, Bulacan, isa sa mga lalawigan na lumubog sa baha sa dalawang linggong malakas na pagbuhos ng ulan.
Aminado ang Pangulo na marami silang nakitang problema sa reclamation projects sa Manila Bay at isang malaking suliranin ay mababarahan ang mga ilog.
Hindi niya tinukoy kung alin sa mga proyekto ang suspendido at ano ang isang under review.
“Nakasuspinde lahat… under review ang lahat ng reclamation. ‘Yung isa lang ang natuloy dahil na-review na. Maraming problema, marami kaming nakitang hindi masyadong maganda ang patakbo,”aniya.
“But anyway, isa pang malaking problema na kailangan ayusin ‘yan. Kasi kung matuloy lahat ‘yan, maraming ilog mababara. ‘Yung Roxas Boulevard, mawawala ‘yung dagat.”
Ang desisyon ng Pangulo ay ginawa, isang linggo matapos umalma ang US Embassy sa “ecological impact” ng rehabilitation project pati ang pagkakasangkot ng China state-owned construction company sa proyekto.
Nataon din ang pasya ng Pangulo, dalawang araw makaraan ang pagharang at pambobomba ng Chinese Coast Guard sa arkiladong barko ng Philippine Navy para sa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.