Patay ang isang 23-anyos na babae nang undayan ng saksak sa likod ng kanyang kumare dahil umano sa kanilang love triangle sa Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ni GMA Integrated News, isinugod sa ospital ang biktima bago bawian ng buhay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente habang papasakay ang biktima ng pedicab.
Kinilala ang suspek na si Shiela Ilano, kumare ng biktima.
Karelasyon umano ng biktima ang kinakasama ng Ilano.
“Na-find out natin na itong suspek sa interview natin, kine-claim niya na siya ay isang battered partner ng kaniyang ka-live in. ‘Yung ka-live in niya naman ngayon may ibang girlfriend. Nakita niya ‘yung girlfriend, kasama ‘yung kapatid, sinaksak niya sa likod,” ayon kay Police Brigadier General Nicolas Torre III, director ng Quezon City Police District.
Agad na dinakip ng pulisya na rumesponde sa lugar ang suspek, at nabawi sa kaniya ang ginamit na kitchen knife.
Ayon sa suspek, matagal na umano siyang niloloko ng kinakasama at ilang beses niyang nahuli na kasama nito ang kanyang kumare.