HINDI nilulubayan ng kontrobersya ang pamilya Jalosjos matapos mapatalsik ang anak ng convicted child rapist at ang kongresista sa unang distrito ng Zamboanga del Norte na si Romeo Jalosjos Jr.
Napagdesisyunan ng Korte Suprema na ideklara bilang kongresista ng bayan si Roberto “Pinpin” Uy.
Nauna nang kinuwestyon ang Comelec nang kanilang ipasa ang mga boto sa ilalim ng pangalan ni Frederico Jalosjos kay Romeo Jalosjos Jr. matapos ideklara si Frederico bilang isang nuisance candidate.
Ipinasa sa pangalan ni Romeo ang nasa 5,424 na boto na naunang nairecord sa pangalan ni Frederico.
Matapos ang bilangan noong Mayo 9 nakaraang taon, lamang si Roberto “Pinpin” Uy kay R. Jalosjos ng 482 na boto, ngunit dahil sa utos ng Comelec, idinagdag ang 5,424 na boto kay Romeo, na nagdulot ng kanyang pagkapanalo.
Naideklara si Frederico bilang isang nuisance candidate matapos ireklamo ni Romeo.
Ayon sa petisyon ni Romeo, sinabi niya na hindi kilala bilang “Kuya Jan” si Frederico, at hawig umano ito sa kanyang palayaw na “Kuya Jonjon.”
Sinabi ng Korte Suprema na inabuso ng Comelec ang kanilang karapatan nang ikansela nito ang proklamasyon ni Uy.
Idinagdag din nila na nagdeklara agad ang Comelec ng mga nanalo, kahit na wala pang pirma ng mga poll commissioners.
Walang relasyon si Frederico at Romeo, kahit na magkaparehas ang kanilang apelyido.