AABOT sa 35,000 pasyenteng may tubercolosis ang puwedeng gumaling kung sa kanilang gagastusin ng pamahalaan ang halagang P515-M na idinagdag sa pondo para sa mga biyahe ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa 2024.
Binatikos ng Council for Health and Development (CHD), isang non-government organization (NGO), ang inilaan na pondo para sa maluhong foreign trips ni Marcos Jr. sa susunod na taon.
Ang hinihinging pondo para sa mga biyahe ni Marcos Jr. ay nasa P1.08-B, mas mataas ng halos 60% mula sa kasalukuyang P893.9-M.
Kung tutuusin, ayon sa CHD, puwede rin ipantustos ito sa 514 primary care facilities, o para sa suweldo ng 791 nurses o 494 doctors sa mga munisipalidad na walang sapat na pasahod para sa isang taon o para rin sa gamutin ang 1,373 hemodialysis patients.
Hinamon rin ng CHD si Budget secretary Amenah Pangandaman na kung gaano ka-determinado ang DBM sa pagtutulak ng labis na pondo ni Marcos Jr., ay kanya ring ipanukala ang pagdadagdag ng pondo para sa sektor ng kalusugan.
Itinutulak din ng grupo ang pagkakaroon ng badyet sa kalusugan na nasa 10% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa upang magkaroon ng libre at maayos na sistema pangkalusugan ang bansa.
Mas mainam din umano kung ang pondo sa foreign trips ay ilipat na lang sa mga nangangailangang sektor sa bansa— ang kahulugan.