Sinigang na baboy ang dahilan ng barilan ng dalawang pulis sa loob ng kanilang himpilan sa Taguig City kahapon ng tanghali.
Ito umano ang anggulong gustong ipalutang ng pamunuan ng Southern Police District (SPD), ayon sa source.
Isang pulis ang namatay at dalawa ang naiulat na sugatan sa naturang insidente.
Kinilala ang pulis na nasawi na si P/MS Heriberto Saguiped habang ang iba pang sugatan ay sina P/Cpl. Alison Sindac at P/CMS Alraquib Aguel.
Ayon kay Taguig police chief P/Col. Robert Baesa, nag-amok si Aguel matapos ang mainit na pagtatalo nila ni Saguiped na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force Batch ‘97.
Nangyari ang insidente sa loob ng Office of the Community Affairs Section ng Taguig police headquarters bandang 11:30 ng umaga.
Nagtamo si Saguiped ng mga tama ng baril sa ulo at nasa kritikal na kondisyon si Sindac habang nasa ospital si Aguel para magpagamot.
Itiinurong suspek si Aguel sa pamamaril kina Saguiped at Sindac. Ang tatlong pulis na sangkot ay nakatalaga sa iisang istasyon.
Ayon kay Baesa, iniimbestigahan pa ang dahilan ng pagtatalo nina Saguiped at Aguel na nauwi sa madugong insidente.