Muli na namang nagulantang ang Pilipinas sa panibagong panggigipit ng China, nang bombahin ng water cannon ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard na umi-escort sa isang barkong nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal noong Sabado.
Nang pinapanood ko ang video, nakapanlulumong makita kung paano idomina ng China ang ating operatiba pagdating sa lakas ng presensya sa karagatan.
Ayon nga sa Department of Foreign Affairs sa isang press conference kahapon, nasa 500 note verbale o protesta ang ating naipasa sa China para kondenahin ang mga ganitong panggigipit.
Pero wala namang nangyayari at paulit-ulit pa rin. Pagpapakita lamang din na ang note verbale ay hindi pagkibit-balikat sa ginagawang bullying ng China sa Pilipinas.
Ngunit ayon kay Professor Rommel Banlaoi, security analyst at director ng Center for Intelligence and National Security Studies, hindi naman siguro hahantong sa ganoong sitwasyon kung naging epektibo lamang ang komunikasyon ng PCG sa CCG.
Lumalabas kasing walang koordinasyon ang PCG dahil pinangangatawanan nating atin ang karagatang ating dinaraanan kahit may mga bansang umaangkin din sa mga isla at karagatang nakasasakop sa Pilipinas.
Naintindihan natin ang sinabi ni Prof. Banlaoi na dahil nga naman sa claims ng China at ilan pang mga bansa sa West Philippine Sea, at sa kabila ng arbitral ruling na ating nakuha ay hindi pa rin ang padadaig ang China dahil nga sa patuloy nilang protesta sa naging desisyon ng United Nations.
Isa pa ay nauna nang sinabi ng China na hindi nila kinikilala ang naturang desisyon ng Permanent Court of Arbitration ng UN, so, mauulit at mauulit nga naman ang mga ganitong pangyayari sa pinagaagawang karagatan at teritoryo.
Iginiit ni Banlaoi na magkaroon na lamang ng proper coordination ang magkabilang panig para nga naman malaman ng mga ito ang pakay sa bawat paglalayag ng magkabilang kampo.
Hindi naman ata imposible yun diba? Kung sa ating Pilipino, pwede ka namang magsabing…. “Makikiraan po.”
Maliban dito ay tila hindi ko nakikitang tama ang ginagawang pagsawsaw ng mga bansang kaalyado natin, partikular ang Estados Unidos, dahil tila ito pa ang maglalagay sa atin sa balag ng alanganin dahil parang tila pinapaypayan pa nila ang baga para lalong magngalit ang apoy.
Suportado daw nila tayo sakaling lumala ang tensyon, pero hindi naman ang mga bansa nila ang susugurin ng China sakaling lumala ang sigalot kundi ang Pilipinas.
Aminin nating ang China ang superpowers sa Asya, at wala tayong panama sa kanilang pwersa.
Kaya’t dapat lamang na pag-isipan ng ating gobyerno ang mga hakbang bago magbitaw ng mga salitang malayo sa diplomasya.