Iniulat ng mga otoridad na isang mister ang bumugbog sa kanyang misis na nauwi sa pagkamatay nito at ang dahilan umano ng pambubugbog ay dahil nahuli umanong may kalaguyo ang kanyang asawa.
Base sa paunang ulat, napatay umano ng 57-anyos na lalaki ang kanyang 40-anyos na asawa sa Polomolok, South Cotabato dahil sa matinding galit nang mahuli umano nito ang kanyang misis na may kasamang ibang lalaki.
Nang umuwi ang babae ay nagkaroon ng matinding pagtatalo ang mag-asawa na humantong sa pananakit ng mister. Nadala pa umano ang misis sa ospital pero binawian rin ito ng buhay.
“Nasaktan niya yung asawa niya, nagkaroon ng head injury. Dinala sa hospital unfortunately namatay,” sabi ni Polomolok Municipal Police Station Chief, Lt. Col. Johnny Rick Medel.
Mahaharap sa reklamong parricide ang suspek.
Samantala, isang patay na babaeng sanggol ang natagpuan sa tambakan ng basura sa Kalibo, Aklan noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa pulisya, natagpuan daw ng isang mangangalakal ng basura sa Barangay Bachaw Sur ang bangkay na nakasilid sa isang garbage bag. Hinihinalang nakolekta ng truck ng basura ang nasabing garbage bag ngunit hindi pa matukoy kung saang bayan ito nakuha.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Sa iba pang balita, patay ang isang lalaki matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng isang gusali sa Atimonan, Quezon.
Sa kuha ng CCTV, makikita na napalingon ang isang lalaking naglalakad nang may kumalabog sa kaniyang likuran mula sa dinaanan niyang gusali at napatakbo ang lalaking naglalakad nang lingunin niya at makita na tao ang bumagsak.
Batay umano sa imbestigasyon ng pulisya, may plano ang lalaking nahulog na magnakaw sa gusali. Nasa fire exit umano ang lalaki na nasa ikatlong palapag ng gusali nang mahulog.
Sinubukan pa siyang i-revive ng mga rescuer pero hindi na siyang nailigtas.