Nakapagtala ang mga otoridad ng magkakasunod na sunog na sumiklab sa ilang lungsod sa Metro Manila noong Sabado at kabilang rito ang sunog sa residential area sa Port Area sa Maynila, kung saan nasa 200 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Ayon sa mga ulat, alas-5 ng hapon nang mabalok ng makapal at maitim na usok ang residential area sa Barangay 650, base sa mga kuha sa insidente at sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng isang bahay at nahirapan silang mga bombero na rumesponde dahil makipot ang mga eskinita sa lugar.
“Talaga pong napakasikip po ng daan so kailangan po namin talagang maglatag ng mahahabang mga hose at dumaan po sa mga bubong,” saad ni Fire Senior Inspector Alejandro Ramos.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog, kung saan hindi bababa sa 16 na truck ng bombero ang rumesponde at bago mag-alas-10 ng gabi tuluyang naapula ang apoy.
Ayon naman sa Manila Department of Social Welfare, may na-set up nang tents ang lokal na pamahalaan para sa mga nasunugan habang ang iba sa mga ito’y nakituloy muna sa mga kamag-anak.
Magbibigay din umano ang lokal na pamahalaan ng financial assistance at food boxes sa mga nasunugan.
Wala namang naiulat na sugatan sa insidente.
Sa Valenzuela City naman, nilamon ng apoy ang bodega ng grocery items at appliances sa Barangay Bagbaguin at ayon sa isang trabahador, nakarinig muna sila ng pagsabog bago nagliyab ang ilang bahagi ng warehouse.
Inakyat sa ikaapat na alarma ang sunog at pinaresponde ang mga bombero mula sa mga karatig na lungsod.
Tumagal ng apat na oras bago nagdeklara ng fire out ang mga awtoridad.
Isang bahay pa sa Barangay Moonwalk, Parañaque ang nasunog noong gabi ng Sabado.
Mabilis na nakontrol ng mga bombero ang sunog at walang nadamay na ibang bahay dahil mayroon itong firewall.
Tinatayang nasa higit P200,000 ng ari-arian ang napinsala.
Walang naiulat na nasugatan sa insidente at inaalam pa ang sanhi ng sunog.
Patuloy namang nagpaalala ang BFP sa publiko na mag-ingat upang maiwasan ang ano mang peligrong maaaring magdala ng sunog.