Ginawang lehitimo ng gobyerno ang smuggling sa pagpayag na ibenta ang smuggled sugar sa Kadiwa ng Pangulo stores sa buong bansa, ayon sa Kabataan partylist group.
Aabot sa 4,000 metriko toneladang nakompiskang asukal mula sa Thailand ang ipagbibili sa mga tindahan ng Kadiwa sa presyong Php70 kada kilo, at tinatayang kikita rito ang gobyerno ng hanggang Php280 milyon.
Para kay agriculturist at Kabataan Partylist Vice President for Visayas Jose Paolo Echavez, ang aksyon ng pamahalaan ay nagpapapakita na lehitimo at normal lamang ang smuggling.
Kawawa aniya ang mga local sugar producers na hindi kayang makipag-kompetensya sa bagsak presyong smuggled sugar.
“Hinuli nga ng gobyerno ang smuggled sugar, pero wala rin itong saysay kung ibebenta sa Kadiwa stores dahil nile-legitimize and normalize lamang ang sugar smuggling. Plus point na naman sa kanila para masabing “bumaba” and presyo ng asukal, pero ang kawawa dito ay mga local sugar producers na hindi kakayanin makipag compete sa napakaraming smuggled sugar na mura ang halaga,” ani Echavez.
“This is injustice to the people. Nagtatrabaho nang marangal ang mga magsasaka at manggagawa sa bukid at sugar mills. Pumoposturang anti-smuggling ang gobyerno pero sa realidad, sponsor pa pala sila ng smuggling,” giit ni Echavez.
Imbes aniyang ibenta, dapat ay ipamigay na lang ang smuggled sugar bilang ayuda sa mga mamamayan o kaya’y iimbak bilang buffer stock na maaaring gamitin tuwing may sugar shortgae at kalamidad.
“Imbes na ire-sell bakit di na lang ipamigay bilang ayuda sa mamamayan o di kaya iimbak bilang buffer stock ang smuggled sugar para sa pangangailangan ng local millers at bottlers tuwing may sugar shortage o kalamidad para di tayo mauwi lagi sa importation at makaiwas pa sa posibleng korapsyon?” sabi niya.
Nanawagan ang Kabataan Partylist sa administrasyong Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang Genuine Agrarian Reform Bill (House Bill 1161) upang mabigyan ng isang komprehensibo at pangmatagalang solsuyon ang krisis sa agrikultura para sa consumers at local producers.