Sa Piipinas lang malayang nakapagbibigay ng pahayag ang isang tinaguriang terorista, gaya ni suspended Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves.
Nanawagan pa siya na suportahan ang kampanya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong laban sa korapsyon na tila wala siyang kinakaharap na asuntong multiple murder kaugnay sa masaker sa Pamplona, Negros Oriental na ikinamatay ni Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.
Napanood sa video ng buong mundo kung paano ka-brutal ang Pamplona masaker.
Nasaksihan din kung gaano karami ang matataas na kalibre ng armas ang nakompiska ng mga awtoridad sa mga bahay ni Teves.
May iba pang mga kaso ng patayan sa Neros Oriental na si Teves ang itinuturong utak.
Sa kabila nito’y, ilang mambabatas ang tila hindi naantig, isa na rito ay si ni Sen. Jinggoy Estrada.
Sabi kasi ni Estrada, sana’y idaan sa due process of law ang pagtaguri ng Anti-Terror Council kay Teves at 12 iba na bilang mga terorista.
Habang si House Human Rights Committee Chair Bienvenido Abante ay nabahala sa posibleng ‘misapplication’ o pang-aabuso sa Anti-Terrorism Law.
Hinimok pa niya ang Joint Congressional Oversight Committee na silipin ang pagturing kay Teves Jr. at 12 iba pa bilang terorista gamit ang naturang batas.
Napakaraming mabibigat na problema ang ating bayan pero tila hindi naman ito ramdam ng ilan nating mambabatas kaya mas gusto nilang atupagin ang pagtaguri kay Teves bilang terorista.
Imbes gumawa sana ng batas para maibsan ang pasakit ng mga mahihirap, mas kursunada nilang intindihin ang magiging kapalaran ni Teves.
Hindi nga naman kasi nila nararanasan ang makipagsiksikan sa mga bust at train para makapasok sa trabaho.
Paldo ang kanilang mga bulsa, komportable ang buhay, bakit nga naman sila magpapaka-stress sa kalagayan ni Juan dela Cruz?
Sana lang ay hindi mabura sa memorya ng mga Pinoy ang mga lumalabas na pahayag sa bibig ng mga politiko upang maging gabay sa susunod na eleksyon.
Iboboto ba natin ang mga idinuduyan lang tayo sa kanilang boladas tuwing halalan pero kapag nasa poder na, deadma na sa mga obligasyon sa atin.