Tila nahihirapan ang Gilas Pilipinas na humanap ng paraan para makagawa ng magandang pandiin sa huling parte ng laban.
Sa kanilang sagupaan sa mas malalaki at mas malalakas na players ng Senegal, bumigay muli sa huling bahagi ang Gilas, dahilan para talunin sila ng solidong team mula sa kontinente ng Africa sa kanilang tune up game sa Heyuan WUS International Basketball Tournament nitong Biyernes ng gabi.
Nanaig ang Senegal, 72-64, pero naging palaisipan pa rin para sa mga Pinoy ballers kung bakit hindi nila magawang magkaroon na mas magadang pandiin sa huling bahagi ng laban.
Ito ang pangalawang sunod na laro kung saan bumitaw sa bandang hulihan ang Gilas bagamat nagawa nilang maisalba ang panalo sa una nilang laban sa Team B ng Iran, 76-65, noong Huwebes.
Pero ibang klaseng hayop ang Senegal — mas mabangis, mas nakapngingilabot at kayang suwagin ang sinumang gustong humarang sa kanilang daraanan.
Bagamat natalo sa Senegal, hindi nasorpresa si head coach Chot Reyes sa hirap na dinaanan ni Gilas sa laban.
Bago ang sagupaan, kinailangan ng Gilas na magbiyahe ng mahigit 350 kilometro sakay ng bus kung saan inabot sila ng anim na oras mula Heyuan hanggang Enping.
Tagtag man sa biyahe, nagawa pa ring makipagdikdikan ng Gilas pero bumigay ang kanilang tuhod sa bandangg huli.
Pinangunahan ni June Mar Fajardo ang Gilas na may 14 puntos habang nagambag naman si Dwight Ramos at CJ Perez ng tig-11.
“It’s a tough one,” ang sabi ni Reyes. “But it was a great effort and coming off a six-jour bus trip that wasn’t easy. They were here since the other day and they were rested, but we hung in there. I hope we learned our lesson and we will face them next time, so hope we’ll get them next time.”
Sa laban sa Senegal, nagkaroon ng pagkakataon ang Gilas na maihalintulad ang kanang nakalaban sa isa pang team na galing rin sa Africa na Angola.
Bukod sa Angola, haharapin din ng Gilas ang dalawa pang koponan na nasa kanilang grupo sa FIBA World Cup, ang Italy at Dominican Republic.