Talagang malaking bagay ang sports sa paghuhulma ng teamwork.
Isang magandang halimbawa dito ay ang Team ng San Juan na pinamumunuan ng kanilang Mayor na si Francis Zamora.
Galing man sa angkan ng pulitika, nagsimula bilang sportsman si Zamora, dating power forward ng La Salle at naging parte ng multiple championship teams ng kanilang koponan sa UAAP.
Ilan sa mga premyadong teammates ni Zamora noon ay sina Ren-Ren Ritualo at Don Allado, na hindi lamang niya naging teammates sa La Salle pero naging kasama rin niya sa champion teams ng Welcoat sa Philippine Basketball League.
Sa kanyang binuong team sa San Juan, kasama pa rin ni Mayor Zamora sina Allado at Ritualo.
Nahalal bilang Konsehal si Allado ng San Juan samantalang ini-appoint naman ni Zamora si Ritualo bilang consultant sa kanilang liga sa Mayor’s Cup.
“Hanggang ngayon, teammates pa rin kami sa San Juan nina Mayor Francis and Councilor Don. Doon pa lang makikita mo na yung tiwala,” ang sabi ni Ritualo, miyembro ng four-peat champion team ng L Salle mula 1998 hanggang 2001.
“Yung tiwala na yan started inside the court, pero ngayon nag-translate na outside the basketball court.”
Para naman kay Konsehal Allado, miyembro ng dalawa sa apat na championships na napanalunan ng La Salle, hindi naging mahirap sa kaniya ang makatrabaho si Mayor Zamora.
Ayon kay Mayor Zamora, maging si James Yap, ang two-time Most Valuable Player sa PBA, ay kamuntikan na rin nilang maging teammate sa La Salle, pero natupad ang pagsasamasama nila sa isang grupo sa San Juan.
“James actually nearly played for our team,” ang sabi ni Mayor Zamora. “So when we work in San Juan, we really are in one page.”
Makikita mo ang solidong samahan ng grupo noong bumalik sa paglalaro si Yap sa nakaraang season ng PBA at sa kanyang unang sabak matapos ang halos taong pamamahinga sa koponan ng Rain or Shine, muli pa rin niyang ipInakita ang tikas sa paglalaro habang pinanonood nina Mayor Zamora at Konsehal Allado.
Teammates hanggang sa huli. Maaring ito ang magandang battle cry para sa Team Green Archers na ngayon ay siyang bumabandera para sa Team San Juan.