Nabiktima ng SMS scam ang anak ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na si Emilio noong nakaraang buwan sa kabila ng utos ng gobyerno na irehistro ang mga subscriber identity module (SIM) cards.
Pahayag ng senador, mukhang ‘inside job’ ang nasabing insidente.
“What puzzles us is that they knew his information, hence I said it is an inside job. They know his background and everything about him,” aniya.
Dagdag ng senador, ibinigay ng kanyang anak ang OTP sa scammer.
Ang OTP o ang one-time-password ay isa sa mga paraan upang mapatunayan ng mga kliyente na sila ang gumagamit ng kanilang bank account.
Ayon kay Ejercito, nasimot ang ipon ng kanyang anak na aabot sa P100,000-P120,000.
Dahil sa insidente, sinabi ng senador na susuportahan niya ang pagsasama ng P300 milyong halaga ng confidential at intelligence funds sa ipinanukang 2024 national budget para sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay Budget Assistant Secretary Mary Anne de la Vega, sakop P300 milyon ng DICT ang mga programang itatalaga para sa mga programa sa cyber security.