Bukod sa nakakalula, nakalulungkot ang inihihirit na P9.2-B ng Department of Budget and Management para sa confidential at intelligence funds sa mga ahensya ng pamahalaan na nakapaloob sa P5.768-B panukalang pambansang budget sa 2024.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, sa P9.2 bilyon, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. o ang Office of the President (OP) ay makakuha ng P4.5 bilyon habang P500 milyon ay para kay Vice President Sara Duterte o sa Office of the Vice President (OVP) at P1.7 bilyon sa Department of National Defense.
Marami ang napataas ang kilay sa mga numerong tinuran ni Pangandaman lalo na’t inihayag niya ito, ilang araw matapos ang inilunsad ng ALL UP WORKERS UNION Manila PGH- AHW, na ikaapat na Friday protest, bilang panawagan na itigil ng management ng Philippine General Hospital ang nagaganap na Contract of service at punuan ang mga bakanteng plantilla position sa ospital.
Naging utility workers na kasi ang mga nurse sa PGH dahil sa malalang understaffing sa pagamutan.
Dahil sa kakulangang ito ng mga empleyado at hindi pagkuha ng kapalit sa mga nurse na nagre-resign kada buwan, ang dapat na walong oras na duty ng mga nurse ay nagiging 16-hour shift.
Bakit kasi hindi maghanap ang PGH ng health workers para sa mga bakanteng permanent plantilla positions?
Para saan ang Magna Carta of Public Health Workers o Republic Act 7305, kung tatanggap ang PGH ng health workers at hindi naman ilalagay sa plantilla positions?
Bakit hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng health workers ang lahat ng benepisyong para sa kanila sa panahong may COVID-19 pandemic?
Ang hirit na umento sa sahod ng health workers ay dumapo lamang sa tengang-kawali, pero ang budget sa jet-setter na Pangulo sa 2024, tumataginting na P1.4 bilyon, bukod pa ito sa P4.5 bilyon confidential/ intelligence funds niya.
Nasaan ang malasakit ng gobyerno sa mga tinatawag nilang bagong bayani?